Default Thumbnail

Sekyu nanaksak ng parak sa Maynila

April 19, 2022 Jonjon Reyes 232 views

PAGHIHIGANTI ang isa sa dahilan kung bakit nagawang saksakin ng patraydor ang isang tauhan ng Manila Police District (MPD), subalit nagawa umanong ipagtanggol ng pulis ang sarili at barilin ito malapit sa himpilan ng pulisya sa Pandacan, Maynila.

Dahil dito kapwa, naka-confine sa Sta. Ana Hospital sina Patrolman Jayson Cuarteros, naka-assign sa MPD-Beata Police Community Precinct sakop ng Pandacan Police Station 10 at ang suspek na nakilalang si Ernesto Delorino aka “Larry” ng Blue Cavalier Security Agency at residente ng J. Villanueva St., Almanza 1, Las Piñas City.

Base sa ulat ni P/Cpl. Lito Laurio, may hawak ng kaso, bandang 11:00 ng gabi nitong nakaraang Abril 16, 2022, nang saksakin sa likod ang nasabing pulis sa harapan ng simbahan ng Sto. Niño De Pandacan Church sa Bgy. 833, may dalawang metro ang layo sa MPD-Pandacan Police Station 10.

Ayon sa pulisya, nagresponde kaagad ang iba nitong kasamahan at kapwa sila isinugod sa Sta. Ana Hospital.

Si Pat. Cuarteros ay nagtamo ng isang saksak sa bandang likurang bahagi ng katawan, habang ang naturang sekyu ay tinamaan ng bala sa katawan.

Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, paghihiganti umano ang isa sa motibo nang pananaksak, dahil sa umano’y napatay ni Cuarteros ang anak ni Delorino.

Nabawi sa crime scene ang nasa siyam na pulgadang haba ng kitchen knife na ginamit ng suspek.

Dahil dito, nahaharap sa kasong frustrated murder si Delorino habang serious physical injury naman kay Pat. Cuarteros.

AUTHOR PROFILE