Sekyu nakitang dedo, bali ang katawan sa Sta Ana

January 4, 2022 Jonjon Reyes 163 views

BALI ang katawan ng isang 58-anyos na security guard nang matagpuan na nakahandusay sa loob ng binabantayang warehouse sa Sta. Ana, Manila.

Kinilala ang biktimang si Edelito Gregorio, tubong Davao Oriental, may asawa, at residente ng Tambunting St., Sta.Cruz, Manila.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Jansen San Pedro, kay P/ Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District- Homicide Section, bandang 7:57 a.m. nitong nakaraang Enero 3 nang madiskubreng patay ang nasabing sekyu sa loob ng binabantayang warehouse sa Kimika Engineered Plastic Products sa Old Panaderos St.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya, isang Rocky Dalacuit na empleyado ang nakadiskubre sa biktima na wala nang buhay habang nakadapa ito sa damuhan.

Agad ipinagbigay alam ng saksi ang insidente sa mga official ng Brgy 889 saka inireport ito sa MPD – Station 6.

Sa kuha ng CCTV sa loob ng warehouse kitang kita si Gregorio na umaakyat sa emergency steel ladder nang makabitiw ito at mahulog.

Ang bangkay ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE