Crime

Sekyu binoga, kritikal

September 25, 2023 Edd Reyes 230 views

KRITIKAL ang 48-anyos na security guard nang barilin ng dating empleyado ng Malabon City Security Unit (CSU) sa Malabon City noong Lunes.

Seryoso ang lagay ni Vergilio Noynay, 48, ng Int. Gulayan, Brgy. Catmon, sa Tondo Medical Center sanhi ng tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa katawan.

Hindi naman nahuli ang suspek na si Ado Bonson, 56, dating kawani ng CSU at tumatayong caretaker ng ginagawang parking area.

Batay sa report kay Malabon police OIC P/Col. Jay Baybayan, nagkita ang dalawa ng ginagawang parking area sa F. Sevilla St. Brgy. Tañong dakong alas-7:15 ng umaga at dito na naganap ang mainitan nilang pagtatalo.

Nakita ng mga testigo na bumunot ng baril ang suspek at kaagad na pinaputukan ang biktima.

Nagresponde sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na pinangunahan ni PLt. Benedicto Zafra at kaagad nagsagawa ng follow-up operation pero hindi nahuli ang suspek.

AUTHOR PROFILE