Seguridad sa trabaho ng nasa SCBPOs tiniyak
PINANGUNAHAN ni Senador Mark Villar, Chairman ng Senate Committee on Games and Amusement, ang inspeksyon ng mga Special Class Business Process Outsourcing (SCBPO) companies sa Aseana, kasama si Senador Sherwin Gatchalian at PAGCOR Chairman Al Tengco.
Layunin ng inspeksyon na suriin ang operasyon ng mga SCBPO, partikular sa gaming sector, at linawin ang pagkakaiba nila sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na nakatakdang ipasara bago matapos ang taon.
“Ginagawa po natin ang inspection na ito upang makita ang operations ng mga SCBPO at maintindihan kung ano ang kaibahan nila sa mga POGO na ipapasara natin bago matapos ang taon na ito,” paliwanag ni Villar.
Binigyang-diin ng senador na ang SCBPOs, hindi tulad ng POGOs, ay lehitimong mga negosyo na nagbibigay ng serbisyo sa iba’t ibang industriya at sektor, at nagbibigay ng trabaho sa libu-libong Pilipino.
Samantalang ang POGOs, na nasasangkot sa online gambling, ay isinasara dahil sa mga ilegal na gawain.
“Ang goal po natin ay siguraduhin na legitimate ang operations ng mga SCBPO na ito dahil ayaw natin na mawalan ng trabaho ang ating mga kababayan,” dagdag ni Villar.
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 5,000 Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang posisyon sa SCBPOs. Sa inspeksyon, personal na kinausap ni Villar ang ilang mga manggagawa at tiniyak na hindi maaapektuhan ang kanilang trabaho ng direktiba ng pamahalaan na ipasara ang mga POGO.
“Sa mga susunod na hearings sa Senado, makakaasa ang ating SCBPO workers na hindi sila makakasama sa mga ipapasara bago matapos ang taon. Hindi po mawawalan ng trabaho ang ating mga kababayan,” pahayag ni Villar.
Muling pinagtibay ni Villar ang kanyang suporta sa pagsasara ng mga ilegal na POGOs habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga lehitimong negosyo tulad ng SCBPOs na nagbibigay ng matatag na trabaho sa mga Pilipino.
“Buong buo po ang suporta ko sa pagpapasara ng mga ilegal na POGO. At the same time, sisiguraduhin po natin na walang Pinoy ang maaagrabyado dahil makikipagtulungan po tayo sa ibat-ibang agencies para masiguro ang smooth and efficient implementation ng directive ng Pangulong Marcos jr. na ipasara ang mga POGO,” ayon kay Villar.
Inanunsyo rin ni Senador Villar ang mga nalalapit na pagdinig sa Senado upang talakayin ang tamang pagpapatupad ng utos ng Pangulo na ipasara ang mga POGO bago matapos ang taon, at tiyakin na walang lehitimong negosyo, lalo na ang mga SCBPO, ang maaapektuhan ng pagbabawal.
Ang mga SCBPOs ay mga lehitimong outsourcing businesses na nagbibigay ng iba’t ibang serbisyo at nagtutustos ng malaking bilang ng mga trabaho para sa mga Pilipino sa iba’t ibang industriya.
Samantala, ang mga POGO ay nakatutok sa online gambling, at dahil sa mga alalahanin ukol sa mga ilegal na aktibidad, ipinag-utos ng pamahalaan ang kanilang pagsasara.
Tiniyak ni Sen.Mark Villar na ang pagsasara ng POGOs ay hindi makakaapekto sa operasyon o empleyado ng mga SCBPOs, na itinuturing bilang matatag at lehitimong negosyo.