Capati

Seguridad sa MRT-3 hihigpitan

June 2, 2022 Jun I. Legaspi 124 views

IPINATUTUPAD ng pamunuan ang mahigpit at maigting na seguridad sa buong linya ng Metro Rail Transit (MRT-3), sang-ayon sa inilabas na anunsyo ng Office for Transportation Security (OTS) na siguruhing istriktong naipatutupad ang “security plan” ng mga transport operators sa bansa.

Ito ay matapos maiulat ang ilang insidente ng pagbomba sa Mindanao.

Sumasailalim sa masusing baggage checking at screening, inspeksiyon at kontrol ng mga ipinagbabawal na kagamitan ang lahat ng mga pasahero at kawani bago makapasok sa loob ng mga istasyon.

Rumoronda din ang mga K-9 units na mula sa Philippine Coast Guard (PCG) sa lahat ng istasyon ng MRT-3, bukod pa sa sariling roving K-9 units ng linya na pinamamahalaan ng security provider nito.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng anumang uri ng armas o ammunition sa loob ng MRT-3.

Kasama rin sa ipinagbabawal ang patalim o bladed weapons; explosives and incendiary substances; “flammable” o madaling magliyab at nakalalason na mga gas at kemikal; at mga mapanganib na kagamitan at kemikal gaya ng mga pesticides, muriatic acid, liquid hydrogen, at iba pa.

“Hinihingi po namin ang kooperasyon ng ating mga pasahero na ugaliing sundin ang lahat ng ipinatutupad nating security at health protocols upang magarantiya natin ang ligtas, maayos, at tuloy-tuloy na operasyon ng MRT-3,” sabi ni OIC-General Manager at Director for Operations Michael J. Capati.

Hiningi rin ni OIC-General Manager Capati sa mga pasahero na kaagad na ipagbigay-alam sa mga security personnel at train marshal ng MRT-3 sakaling may mamataan silang anumang kahina-hinalang bagay o taong may kahina-hinalang kilos.

Aniya, may awtoridad ang mga security marshals na huwag pasakayin o pababain ang mga pasaherong susuway sa ipinatutupad na mga patakaran ng linya.

Patuloy naman ang pamamahagi ng libreng sakay ng pamunuan ng MRT-3 sa mga pasahero, na magtatagal hanggang Hunyo 30, 2022.

AUTHOR PROFILE