Default Thumbnail

Seguridad sa Batasan hinigpitan sa gitna ng canvass para sa prexy, veep votes

May 24, 2022 Melnie Ragasa-limena 281 views

HINIGPITAN ng mga awtoridad ang seguridad sa paligid ng Batasan Pambansa Complex sa Quezon City kung saan kasalukuyang isinasagawa ang canvassing ng mga boto para sa president at vice president na sinimulan kahapon.

Ayon kay Maj. Wennie Ann Cale, spokesperson ng Quezon City Police District (QPCD), umaabot sa mahigit 3,086 police officers ang itinalaga para magbantay at tiyakin na maging ligtas ang paligid ng complex at mga katabing lugar.

Sa nasabing bilang umano, 2,155 ay mula sa QCPD habang ang iba naman ay mula sa ibang police districts.

Aniya, isinara sa trapiko ang IBP Road bilang bahagi ng security measures at maaaring dumaan ang mga motorista sa Litex Road para sa alternatibong ruta.

Ang mga pulis ay itinalaga sa mga strategic na lugar sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para sa mga nagpa-planong magsagawa ng kilos protesta sa naganap na halalan nitong Mayo 9.

“As of now, there were no protesters,” pahayag ni Cale.

Pinayuhan naman ng Philippine National Police (PNP) ang mga grupong nais magsagawa ng rally habang isinasagawa ang congressional canvassing ng mga boto na kumuha muna ng permits mula sa local government (LGUs), maging sa mga kapulisan upang maiwasan ang anumang kaguluhan.

Sinabi ni PNP Directorate for Operations Head Maj. Gen. Valeriano de Leon, bagamat ipinatutupad nila ang “maximum tolerance”, ay hindi sila mangingiming gamitin ang batas kung ang mga demonstrador ay magiging marahas.

“Otherwise, it’s either we disperse them or arrest the organizers, dahil sigurado ako na ang ‘peace and order’ ay maapektuhan kung hindi ito gagawin sa tamang oras, sa tamang lugar at sa tamang pamamaraan,” giit ng PNP official. Ni Melnie Ragasa-Jimena