Galugad Oplan Galugad sa Manila North Cemetery – Nagsagawa ng operasyon ang Manila Police District Sta. Cruz Police Station 3 at nag-ikot sa loob ng nasabing sementeryo kontra kriminalidad bilang paghahanda sa paparating na Undas. Kuha ni Marvin Empaynado

Seguridad ng 4 na sementeryo ng Maynila handa na sa Undas

October 28, 2022 Jonjon Reyes 260 views

MAHIGPIT na ipinatutupad ng Manila Police District (MPD) ang seguridad sa apat na sementeryo, kabilang ang pinakamalaking sementeryo sa buong bansa, ang Manila North Cemetery sa Blumentritt, Sta. Cruz sa Maynila.

Muling pinangunahan ni MPD Director Police Brig. Gen. Andre P. Dizon ang paglilibot sa mga sementeryo sa lungsod ng Maynila, partikular ang North at South Cemetery, Chinese at La Loma Cemetery gamit lamang ang bisikleta na bahagi ng pinaigting na “bike patrol.”

Kahit na may masungit na panahon dulot ng bagyong “Paeng” na nagbabadya ng mga pag-ulan sa lungsod ay magpapatuloy pa rin ang kagawad ng MPD sa pagbabantay.

Kasama sa mga naglilibot ay ang buong team ng Special Weapon and Tactics (SWAT) mga miyembro ng Sta. Cruz Police Station (PS) sa pangunguna ni P/Lt. Col. Ramon Czar Solas, station commander ng Station 3 kung saan kamakailan ay nagsagawa ng “Oplan Galugad” sa loob ng Manila North Cemetery.

Samantala sa Manila South Cemetery naman, nakaantabay ang mga tauhan ng MPD Sta. Ana Police Station sa pangunguna ni P/Lt. Col. Orlando Mirando Jr., kaakibat ang mga tauhan ng Malate Police Station sa pangunguna ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol at ang mga tauhan ng Ermita Police Station 5 sa ilalim ni P/Lt. Col. Leandro Gutierrez.

Maging sa mga pantalan, mahigpit na din ang pagbabantay ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Rodel Borbe ng Baseco Police Stn. 13 kasama ang mga tauhan ng MPD Stn. 1 sa pangunguna ni P/Lt. Col. Rosalino “Jhun” Ibay Jr. kung saan sakop ang kahabaan ng Mel Lopez Blvd. na dating Road 10 sa Tondo.

Ganun din sa La Loma Cemetery na nasa pangangalaga ni P/Lt. Col. Jonathan Villamor ng Jose Abad Santos PS 7, kasama ang mga tauhan ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, ng Moriones PS 2.

Habang sa Chinese Cemetery naman ay nakabantay para sa seguridad ang mga tauhan sa pangunguna ni P/Lt. Col. Rexson Layug ng Binondo PS 11 at ilan pang mga tauhan ng MPD Stn. 4 sa pamumuno naman ni P/Lt. Col. Paul Jay Doles at MPD Stn. 8 ni P/Lt. Col. Dionnel Brannon.

Gayunman, laging pinapaalala ng MPD director na mahigpit na ipinagbabawal pumasok ang edad 12 pababa at kung 13 anyos naman at kinakailangang may maipapakita silang COVID-19 vaccination card.

Sa entrance pa lamang ay hindi na pinapasok ang mga batang walang vaccination card at mga nais maghabol para maglinis.

Kinumpiska rin ang ilang mga pinagbabawal na kagamitan tulad ng lighter, flammable materials, sigarilyo, gamit panlinis at iba pa.

Sa pag-iikot sa Manila North Cemetery ni Dizon, dumating si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. rara naman mag-inspeksiyon.

Nabatid kay Azurin, kuntento umano ito sa inilatag na paghahanda ng pamunuan ng MPD at ng nasabing sementeryo habang maayos naman ang paghihigpit na isinasagawa ng mga tauhan ng NCRPO para sa kaligtasan ng mga tao sa araw ng Undas.

AUTHOR PROFILE