BBM2

Security personnel ni PBBM dinoble na

November 25, 2024 Chona Yu 135 views

DINOBLE na ng Presidential Security Command (PSC) ang bilang ng security personnel na nakatalaga kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay matapos magbanta si Vice Presidente Sara Duterte na ipapapatay niya si Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag napatay siya.

Sa panayam ng People’s Journal, sinabi ni Major Nestor Endozo,. Civil Military Operations officer ng PSC, naka-red alert na ngayon ang kanilang hanay.

Nagpatawag aniya ng emergency meeting si PSC commander Brig. General Jesus Nelson Morales ilang oras matapos ang banta ni Duterte.

“Ang instructions samin dito ido-double natin ang security ni President, lalo sa mga upcoming activities,” pahayag ni Endozo.

Ayon kay Endozo, wala pa namang abiso ang Presidential Communications Office at Presidential Management Staff sa PSC kung lilimitahan o babawasan ang mga public engagements ni Pangulong Marcos.

Panay ikot ni Pangulong Marcos sa ibat ibang bahagi ng bansa para bigyan ayuda ang mga biktima ng anim na magkakasunod na bagyo.

Hindi rin aniya natalakay sa pulong ng PSC kung lalagyan ng bulletproof glass ang gagamiting podium ni Pangulong Marcos sa mga public engagement.

Hinihintay aniya ng PSC ang utos ni Morales kung papagsuutin ng bulletproof vest ang Pangulo sa kaniyang mga aktibidad sa labas ng Palasyo at didepende rin kung gusto itong isuot ng punong ehekutibo.

AUTHOR PROFILE