Tulfo Si DSWD Secretary Erwin Tulfo habang tinatalakay ang mga programa para sa mga Indigenous People (IP). Kuha ni Jon-jon Reyes

Sec. Tulfo: Pagtulong sa IPs, katuwang ang mga LGU

November 23, 2022 Jonjon Reyes 308 views

Tuloy-tuloy na serbisyo sa kabila ng mga hamon

IPINAHAYAG at nilatag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang kanilang mga programa kaugnay sa pagtulong sa mga kababayang Indigenous People (IP) at sa pakikipag-ugnayan sa bawat local government unit (LGU) sa bansa.

Ayon sa kalihim, may mga hakbang na ginagawa ang DSWD upang matukoy ang mga grupo na humahawak sa mga IPs kabilang ang “financier” para lamang makarating sa Metro Manila.

Sa pagdalo ni Tulfo sa “Kapihan sa Manila Bay” kung saan 100 mula sa 300 indibidwal na ang dumating sa Metro Manila ang na-rescue ng social welfare department.

Ayon pa sa kanya, hindi lamang sa mga local government sa Metro Manila sila nakikipag-ugnayan kundi maging sa mga rehiyon kung saan mayroong mga IPs.

Hindi lamang mga Badjao ang kabilang sa mga IPs kundi mayroon ding mga Tausug at iba pang nagmumula sa iba’t-ibang probinsya kabilang ang Mindanao ani Tulfo.

Nakipag-uganayan na rin at nag-request ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa DSWD para makontrol ang pagdayo ng mga IPs sa Maynila.

Sumulat na rin aniya ang DSWD sa Philippine Coast Guard (PCG), Department of the Interior and Local Government (DILG), BARMM at Departmemt of Transportation (DOTr) at para pag-usapan aniya ang isyu.

Aniya, pagdating sa PCG, aabangan na ang barko mula sa port of origin upang mapigilan ang human trafficking ng mga IPs.

Maging sa airlines aniya ay may nagsponsor na ng ticket ng mga IPs para lamang makarating sa Maynila para mamalimos lalo na’t papalapit na ang Kapaskuhan.

Samantala, hinhintay pa ayon kay Tulfo na marescue ang lahat ng IPs pabalik sa kani-kanilang probinsya bago iproseso ang kanilang registrasyon sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sila ay mabigyan ng birth certificate.

Sa ngayon wala pang datos ang DSWD kung ilan ang kabuuan ng IPs na hindi pa rehistrado dahil nagpapatuloy pa ang kanilang rescue operations.

‘Tuloy-tuloy na serbisyo para sa mga Pinoy’

Sinabi rin ni Tulfo sa “Kapihan sa Manila Bay” na kahit na nabalam ang kanyang pagsalang sa Commission on Appointments (CA) ay magiging abala pa rin siya sa kanyang pagtatrabaho at pagtulong sa mga mamamayan at tinitiyak nito na “tuloy-tuloy ang kanyang serbisyo publiko.”

Ito rin aniya ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Ang instructions was, to keep on going – ang instruction ng ating Presidente kasi nga naman po yung ika nga, yung appointment ko. Yung panunumpa ko sa kanya is effective until March pa po next year,” pahayag ng DSWD chief.

Dagdag pa niya, kahit na-bypass siya sa CA ay hanggang Marso sa susunod na taon ang kanyang kailangan para maipasa ang kanyang appointment sa nasabing departamento.

Wala naman aniyang sinasabi ang Pangulong Marcos Jr. kung ano ang gagawin, basta’t sinabihan siya na “maghanda” ani Tulfo.

Sinabi rin aniya ng Pangulo sa pamamagitan ng text na hayaan lamang ang CA na gawin ang kanilang trabaho dahil wala naman aniyang magagawa ang ehekutibo hinggil sa isyu dahil trabaho ito ng legislatura at hintayin na lamang ang desisyon.

Ang pahayag ng Pangulo ay matapos humingi ng “guidance” ang DSWD secretary kaugnay sa isyu.

Hindi naman idinetalye ni Tulfo ang deliberasyon kaugnay sa kanyang citizenship ngunit tiniyak nito na ilang buwan bago siya ma-appoint ng Pangulo ay isinuko na nito ang kanyang pagiging US citizen.

Pagdating naman sa kanyang four counts ng libel case, limitado rin ang kanyang sinabi dahil ayaw nitong pangunahan o maimpluwensyahan ang pinag-uusapan sa deliberasyon.

Aniya, mag-uusap pa sila ng kanyang abogado para umapela sa Korte Suprema hinggil sa naturang usapin.

AUTHOR PROFILE