Laurel DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr.

Sec. Laurel nagpasalamat sa mga miyembro ng COCAFM

August 5, 2024 Cory Martinez 343 views

Sa suporta sa RTL rebisyon

NAGPASALAMAT si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. sa mga miyembro ng Congressional Oversight Committee on Agriculture and Fisheries Modernization (COCAFM) sa pagsuporta sa panukalang palawigin pa ang implementasyon ng Rice Tariffication Law (RTL), particular na ang gawing triple ang pondo nito upang maging competitive ang mga magsasaka.

Ayon kay Tiu Laurel, ang mga rebisyon sa RTL ay nakakapagpabilis sa pagkamit sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maging food-secure ang Pilipinas, na kung saan ang mga magsasaka ang makikinabang mula sa kanilang hard work at mga konsyumer na makakabili naman ng murang pagkain.

Sa isinagawang hearing noong isang linggo, binanggit ni Senador Cynthia Villar, chair ng Senate Committee on Agriculture at co-chair ng COCAFM, ang mga benepisyo na nakuha mula nang ipatupad ang RTL noong 2019. Binigyang-diin nito ang agarang pagpapalawig at pag-amyenda ng RTL upang suportahan pa ang milyun-milyong magsasaka at ang kanilang mga pamilya.

Isa mga isyu na ikinabahala hinggil sa pagpapatupad ng naturang batas ay ang desisyon ng Pangulo na bawasan ang taripa sa bigas sa 15 porsiyento mula sa 35 porsiyento dahil kasalukuyang ginagamot ang kita sa taripa sa pagpondo ng pamamahagi ng mga makinarya sa pagsasaka, pagbibigay ng kalidad ng butil at financial aid sa mga magsasaka.

Subalit sinabi naman ni Tiu Laurel na sa ilalim ng probisyon ng Executive Order 62, pinapayagan ang pagrebyu ng taripa sa bigas kada apat na buwan, na kung saan maaaring mag-adjust kung may paggalaw ng presyo ng bigas.

Samantala, sinabi pa ni Villar na nangako ang Department of Finance na magbibigay ng pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), kahit na mabawasan ang kita sa taripa.

Ibinunyag pa ng senadora na may planong trilehin ang pondo sa RCEF mula P10 bilyon hanggang P30 bilyon, base sa kasalukuyang tariff collection data.

Dadagdan din ang alokasyon para sa mechanization at seed provision at mareresolba ang mga iba pang pangangailangan sa modernization.

Binigyang-diin naman ni Tiu Laurel na napakahalaga ang pagpapalawig ng pagpapatupad ng RTL at RCEF para sa pagpapabuti ng buhay ng mga magsasaka.

“The extension of the RCEF is very important. We need additional years to provide adequate support through mechanization and increased seed production,” dagdag pa ni Tiu Laurel.

Magtatapos ang pagpapatupad ng RCEF sa unang bahagi ng 2025.

AUTHOR PROFILE