Sean

Sean, masaya para kina AJ at Aljur

October 14, 2021 Ian F. Fariñas 243 views

Jay manaloSIMPLE at maiksi lang ang naging reaksyon ni Sean de Guzman sa naudlot nilang romansa at sa kumalat na relasyon ni AJ Raval sa separadong si Aljur Abrenica: “Para sa ’kin, I’m happy naman para sa kanilang dalawa, kung anuman ang status nilang dalawa. ’Yun po.”

Natanong si Sean sa virtual mediacon kahapon para sa bago niyang Viva movie na Mahjong Nights, launching pic ng upcoming sexy star na si Angeli Khang sa direksyon ni Law Fajardo.

Nagkasama sina Sean, AJ at Angeli sa recent Viva offering na Taya, kung saan umaatikabo ang kanilang love scenes.

Bilang isa na namang erotic-drama vehicle, natural na marami ring maiinit na eksena sina Angeli at Sean sa Mahjong Nights bilang sina Alexa at ang driver na love interest nito.

Kasama rin sa cast ang comebacking former sexy actor na si Jay Manalo, na gumaganap naman sa papel ni Leo, ang madrasto ni Alexa na may lihim na pagnanasa sa kanya.

Nagaganap ang mga “milagro” sa bahay nina Alexa habang nagho-host ng mahjong night ang nanay niyang si Esther (Mickey Ferriols).

Pero para kay Jay, ipinauubaya na raw niya ang maseselang eksena sa mga baguhan at mas batang sexy actors tulad ni Sean.

“Kung pupuwede ’yung iba, half-naked na lang,” pahayag pa ni Jay, na sumikat sa mga mapangahas na pelikulang Totoy Mola, Balahibong Pusa, Prosti, atbp.

May edad na raw siya para balikan ang klase ng paghuhubad na ginagawa niya sa big screen dati, pero kung makakapag-gym siya muli at maibalik ang ipinagmamalaking katawan nu’ng kapanahunan niya bilang showbiz hunk, eh, baka pumuwede rin naman.

“Tingnan natin kung saan aabutin ’yung ano, depende sa future projects. Kaya ko naman i-adjust ang sarili ko… pero sa ngayon siguro, ibigay na natin sa mga sumisibol ’yan gaya ni Sean. ’Yung ginawa niya, ’di ko kaya,” pag-amin pa ng aktor.

Bilang mas senior kina Sean at Angeli, lagi naman daw nakaalalay si Jay sa mga ito sa lock-in shooting. May mga umalalay din naman daw sa kanya nu’ng siya’y nagsisimula pa lang sa showbiz, kaya ibinabalik lang niya ang pag-aalagang iyon sa mga newbie tulad ng dalawang co-stars.

Puring-puri naman ni Jay si Angeli, lalo na, dahil madali raw itong maka-pick-up ng instructions niya at ni Direk Law. Madali raw turuan ang dating cosplayer at ito ang nakikita ni Jay na magiging edge ni Angeli sa mga kasabayan sa indusrtiya.

Samantala, bukod kina Angeli, Sean at Jay, nasa Mahjong Nights din sina Mickey Ferriols, Arnel Ignacio, Maricel Morales at Jamilla Obispo.

Magsisimula itong mapanood sa November 12 sa Vivamax Philippines, Hong Kong, Taiwan, Thailand, Malaysia, Indonesia, Singapore, Japan, South Korea, Macao, Vietnam, Brunei, Maldives, Australia, New Zealand, Middle East at Europe.

AUTHOR PROFILE