BTSNYC

Andrea, iniyakan ang pagpe-perform sa New York

August 8, 2022 Vinia Vivar 198 views

Napaiyak sa sobrang kaligayahan si Andrea Brillantes habang nag-i-Instagram Live last Saturday night.

Kasalukuyang nasa New York si Andrea kasama ang iba pang Star Magic talents para sa kanilang US concert tour na first time niyang naranasan.

Kaya naman hindi niya mapigilang maging emosyonal habang ipinapakita sa kanyang followers ang theater na pagdarausan ng concert.

“I’m so overwhelmed lang kasi pinapangarap ko lang ‘to dati, makapunta sa New York. Never kong hiniling na mag-perform, alam n’yo ‘yun? Kasi lagi kong iniisip na imposible ‘yun,” umiiyak na sabi ni Blythe (real name ni Andrea).

Tila hindi nga makapaniwala ang aktres na darating ang araw na ito na makakarating siya sa New York at makakapag-perform pa sa isang malaking theater doon.

“Laki lang talaga ako sa hirap. Wala kaming kama dati, sa matting ako natutulog, tapos ngayon, ‘andito na ‘ko, magpe-perform ako, ‘yung ganitong klaseng theater, sobra-sobra akong amazed pa lang tingnan. Parang hindi siya totoo, parang ‘yung nakikita ko lang sa movies.

“Tapos ako, ako magpe-perform? Dito? Sa harap ng mga tao. Ang galing ni Lord, sobrang galing ni Lord,” emosyonal pang sabi ni Andrea.

Gusto lang daw niyang i-share sa mga tao ang kaligayahan niya sa kanyang IG Live at nagpasalamat sa kanyang fans, supporters, family at mga kaibigan for supporting her all these years.

“Lalung-lalo na sa fans ko. Hindi ako makakapunta dito kundi dahil sa inyo,” she said.

Proud din daw siya sa sarili niya dahil naging matatag siya at hindi sumuko sa mga naranasang hamon sa buhay.

“Now, I’m here. I’m so happy,” sambit pa niya na bakas na bakas talaga ang kaligayahan.

SEAN AT CLOE, TINABLAN SA LAMPUNGAN SCENES

Buong ningning na umamin sina Sean de Guzman at Cloe Barreto na tinablan sila pareho sa maiinit nilang eksena sa pelikulang The Influencer.

“Tao lang po kami,” natatawang sabi ni Sean sa mediacon ng pelikula after the screening.

Ayon sa aktor, may isang eksena raw talaga sa movie na tinablan siya at hindi na niya binanggit kung alin sa sandamakmak nilang love scenes doon.

Agree naman si Cloe.

“Kasi du’n po sa scene, madadala ka. So, yes,” sey ng sexy actress.

Natanong din ang dalawa kung may posibilidad ba na ma-in-love sila sa isa’t isa at sagot ni Sean, “Why not?”

Dagdag pa ng aktor, “Hindi ko naman sinasara ang puso ko.”

Natatawa namang sabi ni Cloe, takot siya sa manager nilang si Len Carillo.

Sey ulit ni Sean, “Magkapatid po kasi kami talaga ni Cloe, pero may mga ano rin naman” na hindi namin ma-gets kung ano ang ibig niyang sabihin sa “ano.”

Anyway, napanood namin ang The Influencer sa private screening kamakailan at pinatunayan ng direktor na si Louie Ignacio na kaya rin niyang gumawa ng ganito katinding sexy film.

“First time ko ‘to, kinabahan ako nu’ng ginagawa ko pero alam ko na maganda ‘yung magiging finished product kasi pagkakita ko sa mga ididirek kong artista, sabi ko, ‘ah, maganda ito.’ And ang gagaling nila,” sey ni Direk Louie.

“Salamat at nagkaroon ako ng ganitong klaseng project,” dagdag pa niya.

Ang The Influencer ay tungkol sa isang social media influencer (Sean) na inabuso ng kanyang obsessed fan (Cloe).

Streaming na ang pelikula sa Vivamax sa August 12 produced by 3:16 Media Network at Mentorque.

AUTHOR PROFILE