Default Thumbnail

Seaman nakitang dedo sa hotel

May 12, 2022 Jonjon Reyes 329 views

ISANG 42-anyos na “promding” seaman ang nadiskubreng patay sa loob ng tinuluyan nitong hotel sa Adriatico Street, Malate sa Maynila araw ng Miyerkules.

Nakatakda na sanang sumakay ng barko ang biktimang nakilalang si Danny Tolorio, 42, tubong Zamboanga Sibugay at pansamantalang nanunuluyan sa Rothman Hotel sa Adriatico St., Malate.

Batay sa ulat ni P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang hapon nitong Miyerkules nang madiskubreng patay ang biktima.

Nauna rito,nagcheck-in umano ang biktima sa hotel nitong nakaraang Mayo 3 para sa kanyang quarantine bago sumakay ng barko sa Mayo 11 pero nagtaka ang hotel staff na si Hally Adon kung bakit hindi nito ginalaw ang kanyang almusal at tanghalian.

Inireport ito ni Adon sa security guard na si Alberto Labante kaya kumuha ng duplicate key at binuksan ang pinto kasama si Janeth Sison, kinatawan ng Fare Shipping Agency at manager ng hotel at dito nakita ang walang buhay na biktima.

Kaagad naman nai-videocall ang asawa ng biktima para ipaalam ang nangyari sa kanyang mister.

Gayunman, pansamantalang inilagak ang bangkay ng seaman sa Cruz Funeral morgue para sa awtopsiya para matukoy ang sanhi ng pagkamatay nito. Ni Jon-jon Reyes

AUTHOR PROFILE