SCO Source: FB

SCO inilabas vs may-ari ng Benz na sangkot sa road rage

May 29, 2024 Jun I. Legaspi 74 views

NAGLABAS na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari ng itim na Mercedes Benz na sangkot sa umano’y road rage incident na nagresulta sa pagkamatay ng isang 65-anyos na motorista sa Makati City. noong Martes, Mayo 28.

Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na mahigpit din silang nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) mula nang humingi ng tulong ang mga imbestigador ng pulisya sa pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari ng Mercedes Benz batay sa salaysay ng mga saksi.

“Malakas ang koordinasyon ng inyong LTO at ng PNP lalo na sa mga ganitong uri ng krimen. Upon the request PNP ay tumulong po tayo sa sitwasyong imbestigasyon ng PNP and on our part, we issued an SCO against the registered owner,” ani Mendoza.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO-National Capital Region Regional Director Roque Verzosa III, hiniling nito na humarap sa opisina ng LTO-NCR ang rehistradong may-ari ng sasakyan mula sa Las Piñas City upang ipaliwanag ang insidente gamit ang notarized affidavit.

Ang dalawang paglabag na binanggit sa SCO ay ang reckless driving sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01, at improper person to operate a motor vehicle sa ilalim ng Republic Act 4136.

Ang mga kasong kriminal na may kinalaman sa insidente ng pamamaril ay hiwalay na iniimbestigahan ng PNP.

“Higit pa rito, mangyaring ipaalam na ang Mercedes Benz na may Plate No. BCS77 ay ilalagay sa ilalim ng alarma na nakabinbing imbestigasyon,” ang binasa ng SCO.

Batay sa ulat ng pulisya, binabaybay ng Mercedes Benz at isang Multi-Purpose Vehicle ang southbound lane ng EDSA nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan sa trapiko malapit sa Ayala tunnel bandang 2:30 ng hapon.

Isang sakay ng Mercedes Benz ang nagpaputok ng baril patungo sa MPV na nagresulta sa pagkamatay ng driver nito.

“Lagi po tayong nagpapa-alala sa mga motorista na iwasan ang init ng ulo sa kalsada dahil walang maibubunga ito. Talo tayong lahat kapag init ng ulo ang pinairal,” said Assec Mendoza. Sinabi ni Assec Mendoza na ipinaalam na nila kay Department of Transportation Secretary Jaime J, Bautista ang aksyon ng LTO sa insidente.

AUTHOR PROFILE