School bullying, saan ba ito nagsisimula?
MALAKING bagay din ang sinasabi ni Education Secretary Sonny Angara na matutukan ang bullying problem sa mga paaralan.
Hindi lang pisikal na pambubuli ang tinutukoy ni Angara dahil sa ating digital and social media age, naging palasak din ang ganitong gawain gamit ang iba’t ibang platforms.
Maraming mga biktima ng bullying ang tahimik lang subalit apektado ang kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na gawain sa loob man o sa labas ng paaralan.
Sa mas agresibong direktiba ni Sec Angara, mas magandang ang mismong administrasyon ng mga paaralan ang tumutok sa problemang ito.
Dapat ay maging masaya at inspirado ang mga batang nag-aaral upang mas mabilis silang magkaroon ng full personality developments. Ang bullying ay sagabal sa maraming bata na nabibiktima nito.
May obligasyon din ang mga magulang na imonitor ang kanilang mga anak kapag nasa loob ng bahay or dumarating mula sa mga paaralan.
Hindi naman maitatago ang emotional disturbance sa isang batang nabibiktima ng bullying kaya dapat ding maging matalas ang pakiramdam ng mga kasama nila sa bahay.
Hindi lang ito sa anggulo ng bullying victim, dapat din tutukan ng pamilya kahit ang mga batang sila mismo ang school bully. Karaniwan, iyong mga siga-siga at mahilig mambuli na bata ay produkto ng problemadong tahanan.
Kaya nga babalik ulit tayo sa pangangailangan ng maayos na pundasyon ng isang pamilya. Palagi ko namang sinasabi rito na ang unang paaralan ng mga bata ay ang kanilang mga tahanan.
At ang kanilang mga unang guro ay ang mga magulang at mga kapatid o sinomang kasama sa bahay. Karaniwan, kung ano ang nakikita ng mga bata sa loob ng kanilang bahay ay nadadala nila sa kanilang paglabas.
Kaya nga importanteng may maayos na sistema ang isang tahanan na ang administrador ay ang nanay at tatay.
Nagsisimula yan kung paano itrato ng nanay at tatay ang isa’t isa. Mahirap kaya iyong hindi pa man nagmumumog, pagkagising ay nagmumurahan na ang mag-asawa. Kapag ganyan ang environment na magigisnan ng mga bata, mas malaki ang tiyansang maging bully sila sa paaralan or sila mismo ang magiging biktima.
May mga tatay din kasi na mas una pang hinihimas ang mga alagang manok kaysa ang kanilang mga anak. May mga nanay din na iyong tinimpla niyang kape ay bitbit umagang-umaga para makipagtsismisan sa kanilang mga kapitbahay sa halip na kinukumusta ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
May mga kaso rin naman na walang ligpitan ng higaan at mga pinagkainan sa maghapon. Datnan-panawan ang mga kalat dahil walang gustong maglinis. Hindi nila alam na ang magulo at makalat na paligid ay puwede ring pagmulan ng magulong kaisipan sa mga bata.
Kahit iyong paraan kung paano itrato ng mga magulang ang mga kasambahay or mga empleyado sa bahay ay nagiging bahagi rin ng sistema ng isang bata.
Kaya nga kung aaralin lang mabuti ang pinagmulan ng bully problems sa mga paaralan, malaking factor dyan ang mismong tahanan.
Hindi ito madaling maayos ng Deped dahil nagsimula ang problem formulation sa loob ng mga bahay ng mga bata. Ang importante lang ay mailatag ito sa usapan at magkaroon ng mga rekomendasyon kung paano ito mareresolba. Maganda ring maisama ang isyung ito sa mga Parents and Teachers Association meeting at sila mismo ang maghulma ng mga solusyon. Gabay lang ang Deped, pero PTA pa rin ang mas malaki ang obligasyon.
Lumikha tayo ng mga mabubuti at inspiradong mga bata dahil ito talaga ang magpapatibay sa pundasyon ng ating bansa.