Sherwin Gatchalian

School-based mental health program pasado na sa Senado

September 11, 2023 PS Jun M. Sarmiento 221 views

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200). Para kay Senador Win Gatchalian maituturing na mahalagang hakbang ito upang masugpo ang tinatawag niyang pandemya ng mental health sa bansa.

Layon ng Senate Bill No. 2200 na gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program upang pangalagaan at itaguyod ang mental health at kapakanan ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at mga pribadong paaralan. Saklaw din ng panukalang batas ang mga out-of-school children in special cases tulad ng mga mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga kabataang naipit sa gitna ng mga sakuna, at iba pang mga marginalized sectors.

Imamandato ng panukalang batas sa Department of Education (DepEd) ang pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga Care Center sa mga pampublikong paaralan. Magiging tungkulin ng mga Care Center na turuan ang mga mag-aaral pagdating sa prevention, identification, at tamang pagresponde at referral para sa kanilang mga pangangailangan pagdating sa mental health. Titiyakin din ng DepEd na may mga Care Center sa mga pribadong paaralan.

Pagmumulan din ang mga Care Center ng angkop na referral para sa mga intervention at aftercare support mula sa mga ahensya, institusyon, organisasyon, at iba pang mga propesyonal. Mandato rin sa mga Care Center na paigtingin ang kaalaman at literacy ng mga guro pagdating sa mental health.

Upang matiyak namang may sapat na mga kawani para sa pagpapatakbo ng School-Based Mental Health Program, lilikha ang panukalang batas ng mga bagong plantilla positions na Mental Health Associates I hanggang V, at Mental Health Specialists I hanggang V. Sa ilalim ng panukalang batas, magiging Mental Health Specialists ang mga Guidance Counselor at Psychologists sa DepEd

Binigyang diin ni Gatchalian na noong Hulyo 2022, may 1,192 lamang na napunang posisyon sa DepEd para sa guidance counselors at coordinators. Para sa School Year 2023-2024, iniulat ng DepEd na merong mahigit 26 milyong mag-aaral na ang naka-enroll.

Ayon sa datos, may 404 na mag-aaral ang nagpakamatay noong School Year 2021-2022.