Aradave

Scholarship program ni Dave, balak palawakin ni Ara

October 31, 2021 Ian F. Fariñas 96 views

May nabasa kaming posts sa Facebook ng mga scholar ni Dave Almarinez na nagpapasalamat sa public servant dahil sa kanyang pagtulong sa kanila.

Kaya naman tinanong namin si Ara Mina, ang asawa ni Dave, tungkol dito.

Sabi ni Ara, matagal na ang programang scholarship ni Dave sa San Pedro, kahit noong board member pa lamang siya ng Laguna.

Labing-apat na taon na raw itong tumatakbo.

Kaya naman kapag minsan umiikot sila ng asawa sa San Pedro, bigla na lamang may tumatawag sa pangalan ni Dave na magpapakilalang natulungan nga niya.

Dahil dito at sa mga nakikita niya sa paligid, gusto ni Ara na mas palawakin pa ang proyektong nasimulan ng kanyang mister.

“Oo nga, eh, kasi nakakatuwang makita ’yung mga kabataan na kahit hirap sa buhay ay nagpupursige silang mag-aral. ’Yung iba, walang-wala talaga pero nagsumikap na makatapos man lang kahit ng mga computer course para makatulong sa pamilya,” sabi ni Ara.

Kuwento pa niya, priority talaga ni Dave ang edukasyon kaya isa ito sa kanyang mga nais tugunan kapag nahalal nang kongresista sa kanilang distrito.

Noong nagkausap nga kami ni Dave, ang sabi niya, isa sa kanyang mga plataporma ang edukasyon.

Paliwanag niya, “Siyempre isa ’yan sa mga priority program natin, we have several. Mga naumpisahan ko na before kagaya ng Scholar ni Dave, kasi naniniwala tayo na ang education actually strengthens and equips everyone to have more opportunities.”

Kuwento naman ni Ara, “Ako, naniniwala talaga ako na napaka-importante ng edukasyon para sa isang tao.

“Kasi kung makakatapos ang isang tao ng kahit vocational course lamang, malaki na ang potensiyal nu’n na makapagtrabaho.”

Bukod sa scholarships, pagtutuunan din nila ng pansin ang socialized healthcare, modernization ng health facilities at marami pang iba para sa kalusugan, waste management at infrastructure projects.

Si Ara, magsasagawa rin ng mga livelihood seminar at project para sa mga taga-San Pedro.

Aniya, “May mga naiisip na akong mga bagay na puwedeng gawin na makakatulong dito. Livelihood program, ’yung pagnenegosyo, maiaambag ko ang aking kaunting kaalaman sa ating mga kababaihan, hindi lang sa mga kababaihan, kundi sa mga kabataan na rin para kahit bata pa sila, e, natututo na silang kumita ng pera. Lalo na ngayong pandemic, karamihan walang trabaho kaya walang ibang puwedeng pagkakitaan. So, kahit sa maliit na halaga, ’yung puhunan, makakatulong tayo ru’n.”

AUTHOR PROFILE