Default Thumbnail

SB member patay; mayor, 5 iba pa sugatan sa karambola sa Isabela

December 26, 2022 Zaida I. Delos Reyes 238 views

ISANG miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ang nasawi habang anim na iba pa kanilang ang isang alkalde at asawa nito ang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyang nitong Sabado ng gabi sa Quezon, Isabela.

Nakilala ang nasawi na si Candido Andumang, 70, SB member ng Quezon, Isabela at driver ng Mitsubishi Strada pickup at residente ng Barangay Abut, ng naturang bayan.

Isinugod naman sa pagamutan si Quezon (Isabela) Mayor Jimmy Gamazon, 46, driver ng Toyota Fortuner sport utility vehicle (SUV), misis nitong si Mercy Gamazon, 44, negosyante, residente ng Bgy. Arellano.

Nasugatan din ang mga pasahero ng isa pang Toyota Fortuner na minamaneho ni Meireece Ferrer, 30, residente ng Sotero, Nuesa Roxas, Isabela at mga sakay na sina Abegail Ronquillo, 24; Romano Ronquillo, 22; at Kevin Ronquillo, 32, parehong estudyante na pawang mga residente ng Bgy. Bantug Roxas, Isabela.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 7:10 ng gabi sa kahabaan ng Bgy. Abut.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon Municipal Police Station (MPS) na parehong binabagtas ang kalsada ng dalawang Toyota Fortuner na sasakyan patungong south direction samantalang patungo naman sa north direction ang Mitsubishi Strada na sakay ng konsehal.

Nagpagewang-gewang umano ang sasakyan ng konsehal kaya’t nahagip nito ang kasalubong na sasakyan ng alkalde at sumalpok sa isa pang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact ay bumaliktad ang sasakyan ng konsehal dahilan upang magtamo ang opisyal ng malubhang sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Nabatid na positibo diumano sa nakalalasing na inumin ang nasawing SB member.

Isinugod naman sa pagamutan ang iba pang biktima.