Default Thumbnail

SB 1963 kailangan na ba agad?

May 2, 2023 Paul M. Gutierrez 240 views

PaulSINIMULAN kahapon, Martes, ng Senado, ang pagtalakay sa SB 1963 ni Sen. Cynthia Villar hinggil sa pagtatayo ng panibagong ‘special court,’ ang ‘Anti-Agricultural Smuggling Court,’ para matutukan ang mga kasong may kinalaman sa smuggling, partikular na ang pagpapalusot ng mga ‘agri products.’

Hindi na rin tayo nagtataka na nagkaroon ng ganitong panukala dahil sa kabila ng pagpasa noong 2016 ng RA 10845 o ang ‘Anti-Agricultural Smuggling Act,’ wala pa ring nakukulong na kahit isang smuggler.

Kumbaga, mukhang ‘frustrated’ na si Sen. Cynthia na ‘principal author’ ng RA 10845 at kahit ang ating mga nagmamalasakit sa sektor ng agrikultura dahil nga kahit “maganda” na at maayos ang mga probisyon nito— ‘no bail’ sa mga smuggler, halimbawa—mistula itong isa lang “tigreng papel” na hindi kinatatakutan ng mga smuggler.

Sa ganang atin, bagaman maganda ang layunin ng SB 1963, dapat din namang itanong kung “saan” at “ano” ba ang problema kung bakit hindi epektibo hanggang ngayon ang RA 10845?

Ang malinaw na sagot siyempre dito ay sa IMPLEMENTASYON.

In fairness sa Aduana, alam kaya ng Kongreso at Senado na sapul pa noong 2016, higit 400 kaso ng smuggling ang naisampa ng ahensiya sa Department of Justice (DOJ)? At ang malaking bilang nito, higit 100 kaso sa ating pagkaalam, ay paglabag sa RA 10845?

At kung hindi na umusad o nakarating man lang sa korte ang mga kasong ito, “kasalanan” pa ba ito ng BOC? O, “kasalanan” na ng mga prosecutor ng Department of Justice?

Uulitin natin ang posibilidad na katulad sa Ombudsman, posibleng mayroon na ring ‘parking racket’ dyan sa DOJ na dapat sigurong “silipin” ng Senado at ni “Bossman,” DOJ Secretary Boying Remulla.

‘Yun bang… kaya hindi “gumagalaw” ang mga isinasampang reklamo ng BOC eh, may “parking fee” pala ang mga smuggler, hehehe!

At dahil tama nga lang din na hindi na dapat “magturuan,” maganda ang naging inisyatiba ni BOC Comm. Bien Rubio na personal na kausapin si Sec. Remulla nitong Marso 8, hinggil sa problema sa implementasyon ng RA 10845.

Isa sa kanilang napagkasunduan, kuwento pa sa atin ng dalawang opisyal nang makausap natin, ay ang paglulunsad ng ‘BOC-DOJ Legal Summit’ upang praktikal at mabilis na masolusyunan ang mga problemang nakikita sa pagproseso ng mga ‘smuggling cases.’

Aber, Comm. Rubio, katatapos lang ng Inter-Agency Intelligence Summit na pinamunuan ninyo ni DCI Juvymax Uy para maging mas epektibo ang kampanya laban sa smuggling.

Hindi naman siguro ‘belated’ kung ilunsad na rin ninyo ni SOJ Remulla itong BOC-DOJ Legal Summit? Sa tingin nga natin, dapat dito, now na!

Naniniwala kasi tayo na kung maganda ang magiging bunga ng pinasiglang “tambalan” ng BOC at DOJ, hindi na kailangan pa ang panibagon special court’ para lang duminig sa mga kaso ng smuggling. Kumbaga, magiging “kalmado” na si Sen. Cynthia Villar, hehehe.

At napakarami na nating mga ‘special courts,’ sa totoo lang—family court, sharia court, juvenile court, etc., kaya kailangan pa ba ng panibagong special court sa harap din ng katotohanan na kulang pa rin tayo ng mga huwes at mga piskal partikular sa mga probinsiya? At hindi pa kasama dito ang dagdag na pondo na hindi pa malinaw kung saan kukunin ng gobyerno.

Marahil dapat pag-aralan ng Senado na ‘wait for further development’ muna ang pagpasa nitong SB 1963?

Kumbaga, tingnan muna ang resulta ng pagtutulungan ni Comm. Rubio at SOJ Remulla. Translation ulit? “Pabayaan” muna silang “magpakitang gilas,” hehe! Kung walang mangyari, “kastiguhin,” yeheyy!

Abangan!

AUTHOR PROFILE