Sayang ka Comm. Guanzon

January 30, 2022 People's Tonight 1156 views

TulfoMARAMING humanga kay Commission on Election (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon dahil sa kanyang mga paninindigan at tapang noong ito ay alkalde pa lamang ng Cadiz City sa Negros Occidental.

Si Comm. Guanzon ay in-appoint ni dating Pangulong Benigno Aquino sa poll body noong 2015 o isang taon bago maghalalan.

At tulad kay Presidential candidate Bongbong Marcos ngayon, nagpakita kaagad ng bias si Guanzon laban kay noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte na tumatako at front runner sa pagkapangulo noong 2016 elections.

Hindi nagustuhan ni Guanzon ang ilang biro ni Duterte sa kababaihan, kasabay ang sabi niya, “Rodrigo Duterte made a disgusting joke…”.

Ayon tuloy sa ilang observer, bilang isang commissioner ng COMELEC, dapat daw ay “impartial” at hindi ito nagbibitiw ng mga pahayag laban sa isang kandidato.

Kontra din si Guanzon sa hindi pag-renew ng prangkisa at pagpapasara sa ABS-CBN na wala namang kaugnayan o kinalaman sa kanyang trabaho.

Sa isang Twitter post sinabi ni Guanzon, “Can’t imagine Negros Occidental and Region 6 without ABS-CBN”.

At nitong nakaraang linggo o ilang araw bago ang kanyang retirement, ipinakita ni Guanzon ang kanyang deretsahang pagkamuhi kay BBM sa paglabas niya kaagad sa publiko ng kanyang boto para sa disqualification ni dating Senador Marcos bagamat wala pang desisyon ang kanyang mga kasamahan sa Second Division.

“Premature” daw ang ginawa ng lady commissioner sa pag-aanunsyo nito sa kanyang boto na labag sa anti-graft law ayon sa ilang kapwa abogado.

Nagtatanong tuloy ang ilan kung napasukan na raw ba ng masamang hangin ang utak ni Guanzon o wala na ito sa tamang wisyo sa kanyang ginawa na lantarang lumabag sa Section 3 paragraph A ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ipinamalas raw kasi ni Guanzon ang kanyang pagiging dilawan sa kanyang ginawa na hindi na ipinagtaka ng karamihan dahil tao ito ng yumaong Pnoy.

Malaki ang respeto ko kay Comm. Guanzon noon dahil naniniwala ako sa kanyang mga prinsipyo. Pero paano na lang kung ang mga prinsipyo niya ay lumalabag na sa batas? Hahayaan na lang ba?

Ang masaklap, mukhang hindi nakikita ni Comm. Guanzon ang kanyang pagkakamali at tila ipinaglalaban pa niya ito.

Kay Comm. Rowena Guanzon: Maam, walang masama kung ipaglaban o panindigan ang prinsipyo basta ito ay tama.

Ok lang din na maging matapang at palaban basta ikaw ay nasa lugar lang.

Pero napapansin na ng ilang kababayan natin na ang iyong tapang ay napalitan na ng yabang.

Sa paglabas mo mo ng sariling desisyon sa BBM disqualification case at hindi mo na hinintay ang iyong mga kasamahan, at kung ano-ano pa ang iyong sinasabi na may nakikialam na sa kaso…

Aba, mukhang wala na kayo sa hulog???!!! Mabuti na lang at pa-retire na kayo ngayon araw.

Adios Comm. Rowena Guanzon. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE