Sara

Sarah, humingi ng tawad kina Mommy Divine at Daddy Delfin sa open letter

October 29, 2022 Ian F. Fariñas 445 views

MARAMING netizens ang na-touch sa open letter na in-upload ni Sarah Geronimo sa kanyang Instagram account kung saan humingi siya ng tawad sa kanyang pamilya sa mga naging desisyon niya sa buhay.

Mahaba ang bukas na liham ng Popstar Royalty na sinimulan niya sa isang artcard ng Bible verse na Psalms 28:7: “The Lord is my strength and shield. I trust Him with all my heart. He helps me and my heart is filled with joy. I burst out in songs of thanksgiving.”

Sumabay nga sa pananalasa ng Bagyong Paeng at signal number 3 sa Metro Manila ang pasabog na post ni Sarah.

Aniya, “Magandang araw po. Nawa’y ligtas po tayong lahat mula sa bagyo.

“Hindi ko po ito madalas gawin dahil gusto ko po mapanatiling pribado ang aking personal na buhay pero pinipili ko pong kunin ang pagkakataon na ito para pasalamatan ang Diyos, ang aking pamilya at ang aming mga furbabies para sa inspirasyon na patuloy na maging malakas, masaya at mapagmahal sa buhay ano mang hirap o pagsubok ang aking harapin.

“Gusto ko rin kunin ang pagkakataon na ito, sa paraan din na ito… na humingi ng tawad sa aking pamilya na labis na nasaktan sa aking mga naging desisyon sa buhay. Patawad po.”

Sa puntong ito, diretsahan nang in-address si Sarah ang mga magulang na sina Mommy Divine at Daddy Delfin.

Patuloy niya, “Sa aking mga magulang… walang hanggan po ang pasasalamat ko para sa buhay na ibinigay niyo sa akin, sa aming magkakapatid. Lahat ng suporta at pag-aaruga… ang inyong walang katumbas na pagmamahal, walang sino man ang pwedeng makapagpunan po nito.

“Mahal na mahal ko kayo… daddy at mama ko. Araw-araw ko po kayo nami-miss at naiisip.

“Kung meron man po ako natutunan sa sitwasyon na ito… ito ay ang pang-unawa at pagtanggap na walang perpekto na buhay o pagmamahal mula sa ating mga tao lamang. Ang pinakaimportante ay ang pagpapakumbaba na tanggapin ang katotohanan na ito at pagtutulungan na maging mas mabuti at mapabuti ang buhay ng bawat isa lalong-lalo na sa isang pamilya. Dahil ang pamilya ay binuo ng Diyos, at patuloy itong magiging buo kung pagmamahal at pagpapakumbaba ang paiiralin sa ating mga puso ano man ang pagkakaiba o maging choices, desisyon sa buhay ng bawat isa.

“Napakadali din para sa atin na manghusga at magbigay ng opinyon sa buhay ng iba. Wala tayong kontrol sa pag-iisip nila, ang pinakaimportante ay alam ko kung ano ang katotohanan sa puso mo. The truth is in the end, it’s just really between you and God.

“In my darkest hour, I was also reminded to look to God and feel His unfailing love and faithfulness through His word and grace. I have learned to find joy and peace again in God alone. The author of love and the perfecter of our faith.”

Pinayuhan din ni Sarah ang lahat ng nakabasa ng open letter na pahalagahan ang bawat pagkakataon para maipadama sa mga mahal sa buhay kung gaano sila kahalaga at kung gaano natin sila kamahal.

Maging ang Popsters ay pinasalamatan ng singer-actress para sa walang sawa nilang pagsuporta sa kanya bilang isang artist at ordinaryong tao na rin.

“Sa akin pong manager for almost 20 yrs. Boss Vic, kayo po ang naging instrumento ni Lord para matupad namin ng aking pamilya ang pangarap ko na maging singer at artista… ang magkaroon ng mas magaan at komportable na buhay. Maraming, maraming salamat po Boss Vic. Sa aking buong Viva family, salamat.

“Sa aking buong Geronimo family, mula noon hanggang ngayon, kayo ang inspirasyon ko sa buhay. Para sa inyo ang aking muling pagyakap sa musika at pagkakataon na muling makapagbigay ng saya at inspirasyon sa ibang tao. Ngunit bilang isang anak at kapatid, para sa akin, ang makasama kayo habang ako ay nabuhuhay nang may pagmamahalan at kapayapaan sa ating mga puso ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang tagumpay at kaligayahan.

“Muli, maraming salamat para sa inyong pagmamahal at para sa inspirasyon. Mahal na mahal ko kayo.”

As of presstime ay naka-disable ang comment section ng nasabing IG post ni Sarah kaya walang mababasang komento rito.

Pero isa si Judy Ann Santos, malapit niyang kaibigan, sa mga nag-like rito.

AUTHOR PROFILE