Villadelrey OVP chief accountant Julieta Villadelrey

SARA 1ST VP NA MAY P.5B CONFI FUND

November 11, 2024 Mar Rodriguez 132 views

OVP chief accountant:

KINUMPIRMA ng chief accountant ng Office of the Vice President (OVP) na si Vice President Sara Duterte ang kauna-unahang Bise Presidente na nagkaroon ng P500 milyong confidential fund.

Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, tinanong ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez si OVP chief accountant Julieta Villadelrey na nakapasok sa OVP noong 1990, kung kailan ang Bise Presidente ay si Salvador Laurel sa ilalim ng unang Aquino administration.

“Since Vice President Laurel’s time, this is the first instance that the OVP has been granted such a significant amount in confidential funds, correct?” tanong ni Suarez kay Villadelrey.

“As I recall, your honor, that is correct,” sagot ni Villadelrey, na isang pagkumpirma na ngayon lamang nabigyan ng malaking confidential fund ang OVP.

Ayon kay Villadelrey, ang P500 milyong confidential fund ay ibinigay ng tig-P125 milyon mula sa huling quarter ng 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023.

Ang pondo ay nakalagay umano sa Good Governance Program ng OVP.

Pero sinabi ni Villadelrey na wala itong alam kung papaano ginastos ang naturang pondo.

Sa pagtatanong naman ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro kay OVP Budget Office chief administrative officer Kelvin Gerome Teñido, sinabi nito na walang confidential na inilaan sa OVP noong panahon ni VP Leni Robredo, ang pinalitan ni Duterte.

“There was no confidential fund during the time of Vice President Leni Robredo,” sabi ni Teñido na nakapasok sa OVP noong 2014, panahon ni dating VP Jejomar Binay.

Sinabi ni Teñido na diumano’y mayroong hininging confidential fund si Binay pero ang alam niya ay pinabalik din ito.

Ayon kay Luistro, mayroon itong impormasyon na isang beses lang humingi ng confidential fund si Binay.

Sa nakaraang pagdinig, iprinesinta ni Luistro ang paglalaan ng daang milyong confidential fund ng Davao City government sa ilalim ng pamumuno ni Duterte. Itinuloy umano ni Duterte ang pagkuha ng malaking confidential fund nang pamunuan nito ang OVP.

Noong 2016, ang confidential fund umano ni Duterte bilang alkalde ng Davao City ay P144 milyon, umakyat ito sa P294 milyon noong 2017, P420 milyon noong 2018, at P460 milyon mula 2019 hanggang 2022.

Sinabi ni Luistro na sina Zuleika Lopez at Gina Acosta ay mga tauhan ni Duterte sa Davao at kanyang isinama sa OVP at sila ang nangangasiwa sa confidential funds.

Hindi pa dumadalo sa pagdinig sina Lopez at Acosta sa kabila ng paulit-ulit na pagimbita ng komite.

Pinuna naman ni Suarez si Villadelrey na dumalo lamang matapos na maglabas ng subpoena ang komite.

“In the past hearings, we sent invitations. Why did you only attend now?” tanong ni Suarez.

Ipinaliwanag ni Villadelrey na sa unang ipinadalang imbitasyon ng komite siya ay naka-leave.

Nang bumalik sa trabaho, marami umano ito kailangang habuling trabaho kaya hindi nakadalo sa pagdinig.

Punto naman ni Suarez, “In your 34 years of service, it shouldn’t have taken a subpoena. A mere invitation should have sufficed.”

Itinutulak ng mga kongresista ang pagkakaroon ng transparency sa paggamit ng confidential funds.

AUTHOR PROFILE

Nation

SHOW ALL

Calendar