Sanya

Sanya at Derrick, may nakaraan

November 13, 2021 Vinia Vivar 183 views

May nakaraan pala sina Sanya Lopez at Derrick Monasterio. Pero hindi naman ‘yung iniisip n’yo na romantic relationship although mapapaduda rin talaga kayo na parang may naging “something” sila.

Sa virtual mediacon ng Daig Kayo ng Lola Ko’s Oh My Oppa, ibinahagi nina Sanya at Derrick ang sweet moments nila habang ginagawa noon ang seryeng Half Sisters.

Ikinuwento nila kung gaano sila ka-close na dalawa dahil ilang beses na rin silang nagkasama sa mga proyekto.

Sey nga ni Sanya, may time na nag-a-“I love you” si Derrick sa kanya at nagho-holding hands sila na wala raw ibig sabihin.

Dito na itsinika ni Derric ‘yung time na ginagawa nila ang Half Sisters at magkatabi silang natulog sa isang tent ni Sanya.

“Natutulog tayo no’n sa may tent, magkatabi tayo ng chair,” sey ni Derek na ipinapaalala kay Sanya ang moment na ‘yun.

“Tapos wala lang, habang natutulog lang tayo, magkahawak na ‘yung hand natin. Ewan ko kung naaalala mo,” kwento ni Derrick sabay tanong kay Sanya kung naaalala raw ba nito ‘yung insidenteng ‘yun.

Natatawang sabi ni Sanya, “Tandang-tanda ko ‘yun Derrick dahil ikaw ang kauna-unahang gumawa sa akin nu’n.”

Dinugtungan na ni Sanya ang kwento ni Derrick.

“Actually, natutulog ako, nakakumot pa ‘ko, maya-maya may humahawak na sa kamay ko. Sabi ko, ‘huh?’”

Hirit naman ni Derrick, “Pero hindi siya bumitaw, ha?”

Sey naman ni Sanya, “Hindi na rin ako bumitaw. Sabi ko, ‘okay, fine.’” At nagtawanan sila.

Ang tanong, bakit hindi sila natuloy sa isang relasyon?

Si Derrick ang sumagot, “Kasi si Sanya, masyadong focused sa trabaho ‘yan, eh. Ganu’n. ‘Yun ‘yung priority ni Sanya, work. Workaholic na tao ‘yan, eh.”

Sabi naman ni Sanya, chill daw na tao si Derrick at maswerte raw kung sinuman ang girlfriend o maging nito ngayon.

Inamin naman ni Derrick na may nagpapasaya sa kanya habang si Sanya naman ay NBSB (no boyfriend since birth) pa rin.

Happy naman ang dalawa na muli silang nagkatrabaho sa Daig Kayo ng Lola Ko matapos ang pinagsamahan nilang Wild and Free noong 2018.

Kasalukuyang napapanood ang Oh My Oppa every Sunday, 7 p.m., sa GMA-7.

Kasama rin dito si Gil Cuerva bilang isa sa leading men ni Sanya.

NALAGASAN NG KAKAMPI

Nalagasan na ng kakampi si Lena (Erich Gonzales) dahil bumaliktad na sa kanya ang kaibigang si Jordan (Carlo Aquino) para pagsilbihan si Lukas (Raymond Bagatsing) sa La Vida Lena.

Tinanggap ni Jordan ang alok ni Lukas dahil sa matinding galit niya kay Lena. Nalagay kasi ang ina ni Jordan sa kritikal na kondisyon dahil sa paghihiganti ni Lena laban sa mga Narciso.

Ito ay matapos mangako ni Vanessa (Agot Isidro) na uubusin niya ang mga mahal sa buhay ni Lena kapag nangialam pa ito sa pamilya nila.

Ito ang pantapat na pananakot ni Vanessa matapos magbanta si Lena na ibubulgar na nito kay Lukas na ang tunay na ama ng anak nitong si Adrian (JC De Vera) ay si Conrad (Christian Vasquez), ang kaibigan ng pamilya nila.

Bagama’t alam na ni Adrian ang katotohanan sa pagkatao niya, papayag siyang ilihim ito mula kay Lucas dahil sa kagustuhan niyang manahin ang negosyo ng kanilang pamilya.

Mapapanood ang ikatlong season ng La Vida Lena simula ngayong Lunes (Nobyembre 15), 10 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

AUTHOR PROFILE