EJK Isa sa mga biktima umano ng war on drugs ng nakaraang administrasyon. File photo ni JON-JON C. REYES

SANGKOT SA EJK KASUHAN

November 1, 2024 People's Tonight 100 views

Abante, Fernandez umapela sa Nat’l Prosecutorial Service:

NANAWAGAN ang dalawang co-chairperson ng quad committee ng Kamara de Representantes sa National Prosecutorial Service na maghain ng mga kaso kaugnay ng extrajudicial killings (EJKs) sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte upang mabigyan ng hustisya ang libo-libong nasawi.

Kapwa hinimok nina Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante at Laguna Rep. Dan Fernandez ang Department of Justice (DOJ) na gamitin ang mga impormasyong nakuha ng quad comm sa paghahain ng kaso laban sa mga sangkot sa EJK noong nakaraang administrasyon.

Ayon kay Abante, chairman ng House committee on human rights, bagaman hindi maaaring maghabla ang quad comm, maaari namang aksyunan ng DOJ ang kanilang mga natuklasan sa pagdinig.

“Yes, pag hiniling po ng DOJ that we could turn over documents, we will do it,” pagtitiyak ni Abante.

Ayon kay Abante, ang mga EJK ay lubhang nakaapekto sa buhay ng napakaraming sibilyan. Tinatayang 12,000 hanggang 30,000 ang nasawi sa Duterte drug war batay sa datos ng International Criminal Court.

“Willful killings affected thousands of civilians,” giit ni Abante na tinukoy ang sistematikong pamamaslang kung saan mga low-level drug offenders ang target at kokonti lamang na mga high level drug lords.

Ipinunto ni Fernandez ang konsepto ng command responsibility na nakapaloob sa Republic Act (RA) No. 9851.

“Doon sa 9851 kasi kinaklaro doon ‘yung defining and ‘yung mga penalizing nung mga acts against international humanitarian law, genocide at saka ‘yung crimes against humanity,” sabi ni Fernandez.

Ang pag-ako ng responsibilidad at pag-amin umano ni Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee ay maituturing na command responsibility.

Dagdag paliwanag ni Fernandez tungkol sa RA 9851, “Section 8… command responsibility ng mga superior, and him being the superior of the land during his incumbency, he will take responsibility.”

Sabi pa niya na bilang Commander-in-Chief, may pananagutan si Duterte sa ibinigay nitong utos na nauwi sa EJK.

Giit ni Abante na tanging hangad ng komite ay makamit ang hustisya.

“We just want justice to be done bilang Chairman of the Committee on Human Rights,” sabi niya.

Nanindigan si Abante na siya ay tutol din sa iligal na droga ngunit kuwestyunable umano ang pamamaraan na ginamit ng nakaraang administrasyon na nagresulta sa pagkamatay ng libo-libong katao kasama na ang mga menor de edad.

“Merong sinabi na collateral damage. Collateral damage ba ‘yung napatay na 3-year-old, napatay na 9-year-old?” tanong ni Abante.

Sabi niya na mayorya ng mga nasawi ay mga gumagamit at nagtutulak ng droga na pawang mula sa mga mahihirap na komunidad habang iilan lang ang high-profile drug lords na nahuli o napatay.

Tinuligsa din ni Abante ang depensa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na “shit happens,” at kinuwestyon ang mga pananalita at pagtingin ng senador sa pagkawala ng buhay.

“Ano ba ibig sabihin ng shit? Baka hindi niya alam ibig sabihin ng shit sa American expression? Mura iyon hindi ba,” pagkuwestyon nga sa pagiging normal ng brutal na mga pagpatay sa pagpapatupad ng laban kontra droga.

Sinusugan naman ni Fernandez ang panawagan ni Abante.

Aniya napadali ang aksyon ng ehekutibo dahil sa imbestigasyon ng quad comm, lalo na pagdating sa presentasyon ng mga asset na may kaugnayan sa operasyon ng droga.

“Like for example itong sa preservation assets na we recommended… Siyam iyan na ngayon po nag-issue na si Sec. Lucas Bersamin,” ani Fernandez na binigyang halaga ang pag-ingat sa mga asset na may kaugnayan sa kaso ng iligal na droga.

Tugon naman ni Fernandez sa pag-amin ni Duterte na mayroon ngang “death squad” at idinawit pa ang mga retiradong heneral: “Alam natin na Presidente mahilig siyang mag-joke, sometimes hindi na natin alam ‘yung katotohanan.”

Kailangan din aniyang seryosohin ang mga pahayag ni Duterte lalo siya ang pinakamataas na lider ng bansa.

“Ngayon, ‘yung mga tinuran niya doon this time… he must be responsible for it,” punto ni Fernandez na tinukoy ang mga implikasyon ng mga binitiwang salita ni Duterte.

Sabi ni Fernandez, dapat gamitin ng DOJ ang RA 9851 upang mapanagot ang mga lumabag sa crimes against humanity at EJK.

AUTHOR PROFILE