WHAT'S NEW

SEE ALL
Sunog

Sanggol naiwan sa loob ng sunog, patay!

August 23, 2023 Edd Reyes 267 views

TODO ang hinagpis ng isang pamilya sa sinapit ng 9-buwang sanggol na lalaki na nasawi sa halos isang oras na sunog na tumupok sa bahay ng magkapatid Martes ng gabi sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Tala ang sanggol habang nakaligtas naman ang kanyang inang si Mary Anne Acma, na nagtamo ng mga paso sa braso at hita nang humangos palabas sa umaapoy na tirahan.

Sa panayam kay Caloocan City Bureau of Fire Protection (BFP) Arson investigator SFO2 Edgar Gabane, sumiklab ang sunog sa karugtong na bahay ng kapatid ni Acma na si Jennalyn Del Monte sa Phase 8, Package 12, Block 162, Lot 11, Brgy. 176, Bagong Silang dakong alas-6:37 ng gabi sa hindi pa batid na dahilan.

Dahil gawa sa kahoy ang magkatabing bahay, mabilis na lumaki ang apoy na dahilan upang kargahin at itakas ni Mary Anne ang kanyang anak subalit nabitawan nang sumabit ang bata sa sampayan bago pa siya makatalon palabas ng bahay.

Sinabi ni SFO Gabane na hindi na nabalikan ng kanyang ina at mga kaanak ang bata dahil sa kapal ng usok kayaโ€™t ang mga nagrespondeng kagawad na ng BFP ang kumuha sa bata upang iligtas subalit minalas na hindi na rin umabot ng buhay sa pagamutan.

Sa pahayag ng Purok Leader ng barangay, posibleng nagsimula umano ang sunog sa naiwang nakasinding kandila sa altar dahil kinagawian na ng pamilya na magtirik ng kandila tuwing orasyon bilang tanglaw sa kaluluwa ng kamamatay pa lamang nilang lola.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago idineklarang โ€œfire outโ€ dakong alas-7:20 ng gabi.

Pansamantalang nanunuluyan ang anim na pamilya na binubuo ng 18-katao na naapektuhan ng sunog sa modular tent na nasa covered court ng Barangay Bagong Silang.

AUTHOR PROFILE