QCPD

Sanggol nag-ala ‘Moses’, pinalutang ng ina sa ilog

September 12, 2022 Melnie Ragasa-limena 217 views

NATAGPUAN ang bangkay ng isang bagong panganak na sanggol na may nakapulupot na tela sa leeg sa loob ng isang maleta na lumulutang sa ilog sa Quezon City, noong Sabado ng umaga.

Nakakabit pa ang umbilical cord ng 1 day old na sanggol na babae, 53 inches ang haba at may bigat na 1.250 kilogram.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:30 ng umaga (Setyembre 10), nang madiskubre ang patay na sanggol sa Tullahan River malapit sa California Riverside, California Dream Homes, Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Alexiss Mace L. Jurado ng CIDU, nagpapatuka umano ng mga manok ang isang nakilalang Josephine Baluyot sa poultry na nasa likuran ng kanilang bahay nang mapansin ang maleta na lumulutang sa gitna ng ilog.

Dahil sa kuryosidad ay pilit na kinuha ni Baluyot ang maleta at nang kaniyang mabuksan ay bumungad sa kaniya ang bagong panganak na sanggol.

Mabilis na inireport ni Baluyot ang nasaksihan sa mga opisyal ng Bgy. San Bartolome na inireport naman agad sa mga awtoridad.

Batay sa pagsisiyasat ng SOCO (Scene of the Crime Operatives) Team ng QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Captain Eric Angay Angay, may nakapulupot na tela sa leeg ng sanggol nang ito ay matagpuan.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang walang pusong ina na nagtapon sa ilog ng kaniyang isinilang na sanggol.