Ospital

SANGGOL KINIDNAP SA OSPITAL

July 9, 2023 Bernard Galang 283 views

Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Inaresto noong Linggo ng pulisya ng Central Luzon ang isang babae sa Angeles City na kinidnap umano ang isang dalawang araw na sanggol na lalaki mula sa tunay na ina nito.

Sa ulat na isinumite kay PRO3 director Brig. Gene. Jose Hidalgo Jr., ang mga miyembro ng Angeles City police umaksyon sa umano’y pagkidnap sa isang bagong silang na sanggol na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na isang call center agent at residente ng Volga St., Bgy. Anunas, Angeles City.

Lumabas sa imbestigasyon na ang 29-anyos na ina ng bata, massage therapist, at tubong Bgy. Macarascas, Puerto Princesa, Palawan, ay nanganak sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center.

Sinabi ng ina sa pulisya na bago ang pagkuha sa kanyang sanggol, nakilala niya ang suspek sa pamamagitan ng isang social media platform habang siya ay naghahanap ng trabaho upang matustusan ang kanyang mga medikal at pinansyal na pangangailangan sa kanyang pagbubuntis.

Sinabi ng ina na ibinigay ng suspek ang lahat ng kanyang pangangailangan kabilang ang mga gastos sa pamasahe mula sa Palawan hanggang Angeles City kung saan siya nanganak at nangako na ihahanap siya ng trabaho.

Matapos manganak ng isang batang lalaki, nagawa umanong ipinalsipika ng suspek ang mga dokumento ng bagong silang na bata at saka itinakas ang sanggol habang nagpapagaling pa sa ospital ang ina.

Mula noon, hindi na nakausap ng ina ang suspek kaya humingi ito ng tulong sa pulisya.

Sa follow up investigation, nahanap at naaresto ng pulisya ang suspek.

Kakasuhan ang suspect ng paglabag sa Art 270 ng Revised Penal Code (Kidnapping and failure to return a minor) at R.A. 9208 (Anti-Trafficking in Person), habang ang sanggol ay itinurn-over sa Angeles City Social Welfare and Development Office.

Pinuri ni Hidalgo ang kanyang mga tauhan at sinabing: “Ang pulisya ng Central Luzon ay tinitiyak sa publiko na hinding-hindi namin hahayaang magtagumpay ang mga kriminal at patuloy kaming umaapela sa publiko na tulungan kaming pigilan ang lahat ng uri ng krimen.”

AUTHOR PROFILE