Default Thumbnail

Sana ay makabangon na ang HK, Macau

February 6, 2023 Allan L. Encarnacion 242 views

Allan EncarnacionMAY libreng kalahating milyong tiket na ipamimigay ang Hong Kong government para sa mga gustong makapunta or makabalik sa kanilang teritoryo.

Halos umabot na sa resesyon ang HK dahil sa kanilang zero COVID policy magmula pa noong 2020. Kahit anong higpit ang ginawa ng kanilang administrative government, nabigo rin naman sila sa zero COVID campaign dahil patuloy na tumaas ang bilang na galing mismo sa loob nila.

Maraming bansa na ang nagbukas na nitong nakaraang taon pero ang Hong Kong at Macau ay nito lamang January 8. Naging malaking pahirap sa mga pumapasok sa HK ang 21 days quarantine na naging seven days na naging three days. Mahigit 130 multinational companies ang nagsara at lumipat sa ibang bansa, daan-daang libong mamamayan nila ang tumakas na at nag-migrate na kung saan-saan.

May mga naging kaibigan na ako sa HK dahil siguro sa dalas kong makapunta doon. Ang isa ay Pakistani na si Sam na suki ko sa pagpapatahi ko ng suit at iyong isang naman ay si Tony na Hong Kong national na may-ari ng electronic store sa Peking Road. Iyong isa namang kaibigan ko, Iranian na vallet park attendant sa Marco Polo Prince Hotel sa Canton Road, may isa rin akong kaibigan sa Macau si Andy na manager sa isang hotel doon at iyong isa naman si Chivu na Pinoy-Chinese na mula sa Macau ay naka-base na ata sa casino sa Clark.

Sa kanila ako nakikibalita noong kainitan ng pandemic at hanggang sa magluwag. Isa lang ang sagot nila sa akin kapag kinukukumusta ko sila: “Business is bad here, my friend.”

Ngayon, nagbukas na ang Hong Kong at nangakong tatanggalin na lahat ang protocols plus mamimigay nga ng libreng plane tickets. Hindi mo rin masisi ang HK at Macau na parehong administrative region dahil nakaayon sila sa polisiya ng China central government sa Beijing sa zero COVID.

Hindi natin alam kung gaano kabilis makakabangon ang HK at Macau dahil maraming negosyante na ang umalis sa kanila. Iyong iba ay lumipat na sa Singapore dahil sila ang pinakaunang nagbukas ng ekonomiya sa rehiyon. Sana nga ay nakinabang din ang Pilipinas sa busines migration pero wala pa tayong nababalitaang lumipat dito mula sa HK or Macau.

Pero kasama tayo sa nagdarasal na makabangon ang Hong Kong at Macau dahil dalawa ito sa paboritong puntahan ng mga Pilipino. Bukod sa malapit na sa biyaheng dalawang oras, gifted din sila sa weather kapag sumapit na ang ber months hanggang Marso.

Hindi rin maikakaila na maraming masarap na pagkain sa dalawang rehiyon na siyang dinadayo ng mga turista.

Marami tayong mga kababayan sa HK at Macau na nagtatrabaho mula sa pagiging domestic helpers, hotel managers, food and beverages crew at mga supervisors.

Mula sa dating annual tourists arrival na 50 to 70 million, bumagsak na sa 600,000 ang turista nila nitong 2022. Turista talaga ang buhay nila kaya kaagad naapektuhan ang ekonomiya nang magsara ang kanilang mga borders.

[email protected]