Kampanya

Sampung kandidato, kilatisin sa ‘Kampanyaserye’ at ‘Harapan 2022’

April 23, 2022 Ian F. Fariñas 199 views

Bago pumili ng mga susunod na lider sa papalapit na halalan 2022, muling kilalanin at kilatisin ang sampung kandidato para sa pagka-Pangulo sa Kampanyaserye at Harapan 2022 special ng ABS-CBN News na napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, ANC, TeleRadyo, Kapamilya Online Live, news.abs-cbn.com at ABS-CBN News YouTube channel.

Kasama ang mga batikang mamamahayag, sundan ang kampanya ng bawat presidentiable sa Kampanyaserye segment ng TV Patrol kung saan malapitang makikita kung paano sila bilang pribadong tao, paano sila makisalamuha sa kapwa at ang kani-kanilang istratehiya sa panliligaw ng boto.

Kasunod ng bawat Kampanyaserye ang Harapan 2022: An ABS-CBN News Special, kung saan bubusisiin ang kwalipikasyon, plataporma, mga paninindigan at mga isyung kinasasangkutan ng bawat nagnanais na maging presidente ng bansa.

Unang napanood noong Marso 28 sa Kampanyaserye at Harapan si Alvin Elchico na sumama sa kampanya ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Cavite.

Si Pia Gutierrez naman ang tumulak sa Davao kasama ang dating presidential spokesperson na si Ernesto Abella, habang si Bernadette Sembrano ang nakasama sa campaign sortie ni Sen. Panfilo Lacson sa Zambales.

Nakapanayam din ni Jeff Canoy ang dating defense secretary na si Norberto Gonzales sa kanyang headquarters, habang ipinasilip naman ni Zen Hernandez ang tipikal na umaga para kay Ka Leody de Guzman bago tumungo sa Caloocan para sa kanyang proclamation rally.

Si Karen Davila naman ang sumunod sa kampanya ni Sen. Manny Pacquiao sa Maynila at dating senador na si Bongbong Marcos sa Cavite.

Samantala, si Mike Navallo ang nakasama ng doktor at abogado na si Jose Montemayor Jr., si Johnson Manabat ang nakaharap ni presidential aspirant Faisal Mangondato at si Henry Omaga-Diaz ang tumutok sa tinaguriang “people’s campaign” ni Vice President Leni Robredo sa Nueva Ecija.

Tuloy naman ang paghahanda ng ABS-CBN News para sa malawakang coverage ng Halalan 2022 sa Mayo 9.

Mahigit 50 organisasyon ang katuwang nito para sa paghahatid ng balita tungkol sa Halalan 2022 sa iba’t ibang platforms at siguraduhing magiging malinis, mapayapa at tapat ang eleksyon.

Patuloy din ang paghahatid ng balita at digital features ng ABS-CBN News Digital sa Facebook, Twitter, Instagram, TikTok at news.abs-cbn.com.

Nitong taon, napapanood na rin muli ang flagship newscast ng ABS-CBN na TV Patrol sa free TV sa A2Z, bukod sa cable sa Kapamilya Channel, TeleRadyo, ANC, at sa digital sa iWantTFC, ABS-CBN News YouTube channel, ABS-CBN News App at ABS-CBN Radio Service App.

Napapanood ang Kampanyaserye sa TV Patrol habang ang Harapan 2022 ay umeere ng 10:30 p.m. sa A2Z, TeleRadyo, ANC, news.abs-cbn.com at Kapamilya Online Live at 10:55 p.m. sa Kapamilya Channel.

AUTHOR PROFILE