
Sampal ni Gladys, nagmarka sa pisngi ni Jhassy
NATUPAD din ni Jhassy Busran ang matagal nang pangarap na gumanap bilang special child sa family drama na Unspoken Letters ng Utmost Creatives Motion Pictures at released ng Reality Entertainment sa Dec. 10.
Sa grand mediacon ng pelikula kamakailan, sinabi ni Jhassy na kinarir niya ang audition at swerte naman na siya ang napiling gumanap sa role ni Felipa, isang 17-year-old na dalaga na ang utak at kilos ay mistulang pitong-taong-gulang.
“Dream role ko po ito,” panimula ni Jhassy, “gustung-gusto ko po siya, so nag-audition po ako. I went through a lot din po getting this role. Sa totoo lang, akala ko madali lang ‘yung role ni Felipa, hindi pala. Kasi noong ginagawa ko na, mahirap pala. Pero okey lang kasi gustung-gusto ko talaga itong role na ito.”
Napaka-challenging ng papel ni Felipa pero sa tulong ni Direk Gat Alaman at co-actors ni Jhassy, naitawid niya ang role with flying colors.
Para sa kanya, memorable ang sampalan scene nila ni Gladys Reyes.
Natawa ang press nang aminin ni Jhassy na namanhid at nagmarka sa pisngi niya ang sampal ng batikang kontrabida.
“Kasi nagulat po ako na ganu’n (kasakit). Kahit alam n’yo na ganu’n ang eksena, magugulat ka pa rin, pero parang nangibabaw po sa akin ‘yung (pagiging) proud sa sarili ko na nasampal ako ng isang Gladys Reyes, ganu’n po,” kwento niya.
“Namula talaga itong mukha ko tapos bumakat talaga ‘yung kamay na isinampal niya. Pero masaya po ako kasi nagawa kong mabuti iyong eksena na kasama si Ms Gladys,” patuloy ng singer-actress.
Unang nakilala si Jhassy sa short film na Pugon, na nagbigay sa kanya ng Jury Award Best of the Best Performance by an Actress mula sa Manhattan Film Festival New York 2021.
Wagi rin siyang Best Child Actress sa Gully International Film Festival 2021 sa India, Best Child Actress sa Ashoka International Film Festival 2021 at Outstanding Lead Actress in a Movie sa World Class Excellence Japan Awards (WCEJA).
Kinilala rin ang husay ni Jhassy sa America Excellence Awards Hollywood 2023 bilang Multi-Awarded New Female Movie Actress sa The Outstanding Women in the Philippines 2022, Gintong Kabataan Awards 2022 at 6th Philippine Empowered Men and Women 2023.
Bukod kay Gladys, nasa Unspoken Letters din sina Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Matet de Leon, Simon Ibarra, atbp.