Bong

‘Samal Island power problem, talupan’

April 2, 2024 People's Journal 81 views

NAGHAIN ng Senate Resolution No. 981 sina Senators Christopher “Bong” Go, Francis Tolentino, at Ronald dela Rosa noong Lunes na nag-aatas sa Senate committee on energy na magsagawa ng pagsisiyasat sa patuloy na problema sa suplay ng kuryente sa Island Garden City of Samal (IGACOS).

Layon ng imbestigasyon na masuri ang kakayahan ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) na magkaloob ng maaasahang supply ng koryente sa lugar at maghanap ng pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang mga abala sa hinaharap.

Nag-ugat ang resolusyon sa patuloy at madalas na pagkawala ng kuryente sa IGACOS, na lubhang nakaapekto sa mga residente at sa mataong industriya ng turismo ng isla.

Sa kabila ng mga naunang pagtiyak ng NORDECO na tugunan ang mga isyung ito, kabilang ang pagkumpleto ng isang submarine cable project na layong palakasin ang suplay ng kuryente, ay nanatiling bigo ang kooperatiba.

Sa pamamagitan ng inihaing resolusyon, sinabi ng tatlong senador na batay sa probisyon ng Konstitusyon, pinapahintulutan ang Kongreso na amyendahan o ipawalam-bisa ang mga prangkisa kapag nakataya na ang pangkalahatang kabutihan ng lahat.

Nais nina Go, Tolentino at Dela Rosa na igisa ang NORDECO kung ang kooperatiba ay tumutupad sa mandato nito na bigyan ng abot-kaya at maaasahang kuryente ang mga nasasakupang lugar, kinabibilangan ng 16 munisipalidad, dalawang lungsod, at dalawang lalawigan sa rehiyon ng Davao.

Matatandaan na una nang nanawagan si Go ng agarang aksyon sa paulit-ulit na pagkawala ng kuryente sa Samal Island, lalo sa gitna ng matinding init na nagpataas ng heat index sa rehiyon.

Ipinunto niya kung paano nakaaapekto ang power supply sa mga kabuhayan, negosyo at nakasisira ng mga gamit sa bahay na lalong nagpapabigat sa ordinaryong Pilipino.

“Ilang beses na tayong nanawagan sa Northern Davao Electric Cooperative o NORDECO na ayusin ang electric supply sa isla ng Samal. Sa NORDECO, nangako kayo na aayusin ninyo ang problemang ito na alam niyong nagdadagdag sa pasakit sa mga kababayan natin. At sabi n’yo, until June 30 of last year ay aayusin n’yo. Nine months na, almost one year na ‘yung inyong palugit, wala lang,” ani Go.

Sa direktang apela niya kay NORDECO General Manager Elvera Alngog sa pamamagitan ng isang tawag sa telepono noong Huwebes Santo, idiniin ng senador ang kahalagahan ng karangalan at pangako. Responsibilidad aniya ng kooperatiba ang mahigit 100,000 customer nito sa isla.

AUTHOR PROFILE