Default Thumbnail

Salute to SJDM Bulacan PNP!

May 14, 2022 Marlon Purification 702 views

Marlon PurificationISANG snappy salute ang gusto nating ipaabot sa pamunuan at miyembro ng San Jose del Monte, Bulacan police station, partikular na kay SJDM police chief Lt. Col. Allan Palomo.

Gusto rin natin magpaabot ng pasasalamat at pagbati kina Police Regional Office (PRO) 3 chief Gen. Matthew Baccay at Bulacan Police acting Provincial Director Col. Rommel Ochave.

Nahuli na kasi ng grupo nina Col. Palomo ang isa sa tatlong holdaper na bumiktima sa anak ng aming veteran DILG reporter na si Joel dela Torre.

Kung matatandaan, nanawagan tayo kina Gen. Baccay, Col. Ochave at Col. Palomo para aksiyunan ang ginawang panghoholdap sa anak ni Utol Joel na naganap noong nagdaang Abril.

Nalaman natin na bago pa lang lumabas ang ating artikulo hinggil sa talamak na holdapan sa SJDM ay gumagawa na pala talaga ng paraan ang ating kapulisan para malupil ang masasamang loob sa kanilang lungsod.

Sa report ni Utol Joel, sinabi ni Chief Sergeant Edsel Israel, SJDM Police Community Precint (PCP) 5 commander, masinsinan ang ginawa nilang koordinasyon kay Bgy. Captain Jerry Matias ng Bgy. Minuyan Proper.

Ito’y upang palakasin ang puwersa ng kapulisan sa pagbabantay laban sa mga kriminal, katuwang ang mga tinatawag na police force multipliers o mga barangay tanod.

Round the clock ang ginawang pagbabantay, partikular na sa may bahagi ng Best Link Colleges.

Nitong nakalipas na Linggo, dakong alas-8:00 ng gabi ay muling umatake ang mga holdaper nang biktimahin ang isang saleslady ng SM Supermarket.

“May nakabaon na tayong tao dun,. . .yung mga bataan ni Kap Matias ang naka-assign nung gabi na yun, ” ani Israel sa report ni Utol Joel.

Nagkaroon ng maikling habulan na nagresulta upang maaresto ang isa sa mga suspect na sina Ronald Brigola, 20, of Sitio Gulod, Road 2, Minuyan Proper.

Si Brigola ay nahawaan ng kalibre.45 pistola.

Pinangalanan ng suspect ang dalawa sa mga kasamahan nito na nakatakas, ngunit lahat sila’y sinampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.

Sa puntong ito, pahintulutan n’yo ang ipaabot ang ating matikas na pagsaludo sa grupo ni Col. Palomo, gayundin kina Gen. Baccay at Col. Ochave.

Maraming salamat kasi, na-solve n’yo agad ang holdapan sa SJDM na bumiktima kay Llyod Jewel dela Torre, anak ni Utol Joel.

Alam kong ang inyong magandang accomplishment ay hindi lamang makatutulong sa kasong isinampa ng pamilya Dela Torre, kundi magkakaroon na rin ng kapayapaan sa nasabing lungsod dahil kahit papano ay nabawasan ang masasamang nilalang sa lungsod ng SJDM.

Thank you sa inyo mga bossing and keep up the good work!