Default Thumbnail

Salute to Jollibee Fernando’s Sta Mesa

November 17, 2022 Marlon Purification 468 views

Marlon PurificationGUSTO nating saluduhan ang pamunuan ng Jollibee Fernando’s sa Sta. Mesa, Manila.

KAHANGA-HANGA ang katapatan ng establisimentong ito dahil nito lamang nakalipas na Linggo ay hindi sinasadyang nakapagbayad ng ‘doble’ ang nanay kong 76 years old na.

Pasado alas-8:00 ng umaga noong November 13, 2022 nang mag-dine in ang nanay ko, kasama ang ate ko at kanyang pamilya.

Galing sila magsimba noong oras na iyon at bago pumasok sa ‘driving school’ ang pamangkin ko sa Stop & Shop ay napagpasyahan nilang kumain muna sa Jollibee.

Sa hindi malamang dahilan, dalawang beses nakapagbayad ng P1,000 bill ang aking ate.

Nalaman lamang nila ito nang mag-remit na ng pera ang ‘cashier’ na si Ms. Mary Rose Sandoval dahil may ‘sobra’ itong P1,000.

Buong katapatan nitong sinabi sa manager na may sobra sa kanyang pera na maaari aniyang dobleng naibayad ng isang customer.

Ang manager noong araw ng Linggo ay si Dhanz Tomas na agad ipinasilip ang CCTV camera at doon nila nabatid na sa order ng aking pamilya nangyari ang pagkakadoble ng bayad.

Dahil gumamit ng ‘senior citizen ID’ si Mama, doon din na-trace ni Ms. Mary Rose ang pangalan ni Mudra na talagang nag-tyaga para hanapin ang FB account ng aking nanay.

Marahil ay walang reply kaya ang pinadalhan naman nito ng mensahe sa ‘messenger’ ay ang kapatid kong lalaki na sadyang hindi pinansin ang ‘message’ sa pag-aakalang isa itong uri ng scam.

Sa galing mag-stalked sa FB ni Ms. Mary Rose, ang sunod nitong pinadalhan ng message ay ang aking hipag na mabilis ding nag-reply.

Nang magkausap ang dalawa ay ipinaliwanag ni Ms. Mary Rose ang buong pangyayari.

Sabi pa ni Ms. Mary Rose, puwede raw kunin uli ang sobrang P1,000 sa Jollibee Fernando’s at kung hindi sila naka-duty ni Manager Dhanz ay hanapin lamang din ang isa pang manager na si Mr. Raymond Bascal.

Alam nating hindi ganoon kalaking pera ang P1,000 pero ang ipinakitang katapatan ni Ms. Mary Rose ay isang malaking bagay para sa lahat – mula sa pamunuan mismo ng Jollibee Corporations at siyempre sa mga tumatangkilik ng Number 1 Fastfood Chain ng bansa.

Sabi ng kapatid ko, huminto raw sa pag-aaral si Ms. Mary Rose dahil sa ‘financial problem.’

Nang marinig ko ito, lalo akong humanga kay Ms. Mary Rose.

Isipin n’yo, ‘malaking bagay’ na sana sa kanila ang P1,000 kung pinag-interisan niya ito.

Pero hindi ito nasilaw sa pera at sa halip ay mas nanaig po ang pagiging isang ‘honest’ na empleyado ng Jollibee.

Si Ms. Mary Rose po, sabi ng aking kapatid ay graduate ng Victorino Mapa High School (VMHS) Batch 2015.

Dito rin po sa eskuwelahang ito nakapagtapos ng high school ang inyong lingkod kung saan ay binigyan pa nila tayo ng Blue Falcon Award o Outstanding Alumni.

Naging ‘working student’ din po tayo ng Jollibee Farmers Market noong taong 1989 at ramdam natin ang hirap ng isang service crew na umaasa sa ‘per oras’ na suweldo.

Sa puntong ito, hayaan n’yo pong ipaabot natin ang isang matikas na pagpupugay para kay Ms. Mary Rose Sandoval. Gayundin kina Managers Dhanz Tomas at Raymond Bascal na sigurado kong nag-utos na ipa-check agad ang CCTV cameras.

Ang mga empleyadong katulad nila ay marapat hangaan at pasalamatan.

Umaasa tayong sa pamamagitan ng artikulong ito ay makagawa rin ng hakbang ang Jollibee Top Management upang bigyan ng pagkakilala ang katapatan ni Ms. Mary Rose mula sa prinsipyo ng ‘rewards and recognition.’

Mula sa aking pamilya, maraming-maraming salamat sa iyo Ms. Mary Rose at buong Jollibee Fernando’s.

Nasisiguro kong ang iyong pamilya, kaanak at kaibigan ay proud na proud sa iyo!

Patnubayan ka sana lagi ng nasa Itaas at naway makamit mo ang tinatawag na Good Karma!