Saludo sa Filipino Indian Commerce & Welfare Society Inc. (FICWSI).

October 21, 2021 Marlon Purification 207 views

Marlon PurificationUMABOT sa 30 katao ang nasawi, 19 ang kumpirmado at 11 ang kinukumpirma pa, sa nakalipas na pananalanta ng Bagyong Maring na puminsala rin ng P1 bilyong pisong ari-arian at panananim sa Ilocos Region.

Matapos ang isang linggong paghagupit ng bagyo, unti-unti’y bumabangon na ang mga kababayan nating Ilokano — bagay na kahanga-hanga sa Pinoy na kahit anong pagsubok ang dumapo sa atin ay nananatili tayong matatag at hindi kailanman nawawalan ng pag-asa.

Ang medyo nakalulungkot lang, wala masyadong buhos ng ayuda at tulong ang dumating sa mga kababayan sa Nothern Luzon.

Mabuti na lang at si dating Senador Bongbong Marcos ay personal na naghatid at nagbigay ng tulong sa mga kababayang Ilokano.

Iyong iba marahil na may kakayahang tumulong ay medyo nasagad na rin dahil sa halos dalawang taong parusa na dinaranas natin ngayon likha ng pandemya.

Kung mapapansin sa social media, mas mainit ang talakayan hinggil sa nalalapit na eleksiyon. Halos kakarampot ang nakikita nating diskusyon kung paano tulungan ang mga kababayang biktima ng Bagyong Maring.

Mas sabik ang lahat na siraan o suportahan ang isang kandidato. Samantalang, daang pamilya ng ating kababayan sa Ilocos ang halos lumpuhin hindi lamang ng pandemya kundi ng Bagyong Maring.

Dahil dito, personal na sinasaluduhan natin si Manjinder ‘James’ Kumar ng presidente ng Filipino Indian Commerce & Welfare Society Inc. (FICWSI).

Mabilis ang ipinadalang tulong ng grupo ni James sa mga kababayan nating Ilokano.

Ang inisyal na ipinadalang tulong nito ay ang 300 kaban ng bigas na tig-25 kilos na dumating sa mga San Fernando City, La Union.

Kaagad itong ipinamahagi ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong barangay.

Tinanggap ang mga nasabing bigas ni Ms. Mia Jayn ng Agri Tourism, Mabanag Hall.

“Malungkot na sa gitna ng pandemya ay mayroon pang mga ganitong sakuna. Tayo po ay magsama-sama sa pagtulong,” ani Kumar.

Samantala, nag-donate naman ng isang ‘fully equipped ambulance’ ang grupo ni Kumar sa Quezon province.

Ang nasabing ambulansiya ay dumating sa Malunay, Quezon. Tinanggap ito ni Aris Aguirre na tumatakbo ngayon sa pagka-alkalde sa nasabing bayan.

Sinabi ni Kumar na si Aguirre bilang kaibigan ang personal na lumapit sa kanya upang magkaroon ang kanilang bayan ng isang ambulansiya na magagamit ng mga kababayan ngayong panahon ng pandemya.

Fully equipped ito na may collapsible ambulance stretcher, oxygen, PPEs at iba-iba pang medical equipment na magagamit sa paunang lunas.

Bago nito, samu’t saring personal protective equipments (PPE’s), test kits, face mask, face shields at kahit hospital beds din ang mga naipamahaging tulong ni Kumar sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Nagpapasalamat po tayo at nabigyan tayo ng pagkakataong makatulong sa ating mga kababayan. Nagpapasalamat din tayo sa ating mga miyembro at iba pang grupo na laging handang makisanib pwersa sa amin upang magbigay tulong sa mga kababayan nating nangangailangan,” sabi pa ni Kumar.

Idinagdag ni James na hangga’t may kakahayan silang tumulong ay hindi sila mananawang gawin ito upang unti-unti ay iaangat ang animo’y nawawalan nang pag-asa nating kababayan.

“Kung kaya rin namin, tutulong po kami. ‘Wag po tayong mawalan ng pag-asa dahil iyan din po ang magiging sandata sa ating pagbangon,” sabi pa ng Pilantropong James.

Hindi na mabilang kung ilang beses na nating naisulat ang ginagawang pagtulong ni James.

Kasi, hindi ko na rin mabilang kung ilang beses na rin bang nagbigay ng tulong ang grupo ni Kumar. Ang alam ko, mula nang manalanta ang Bagyong Yolanda, taong 2013, doon ko unang nakitaan ang grupo ni James kung paano tumulong sa ating mga kababayan.

Kahanga-hanga ang kanilang grupo na binubuo ng mga Filipino-Indian na nakabase rito sa atin sa ‘Pinas. Kung ihahambing natin ang kanilang hanay, para silang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce & Industry Inc. (FFCCCII) na walang sawa rin sa paglulunsad ng makabuluhang proyekto para sa ating mga kababayan.

Kaisa ako nina Kumar sa adobakisya nilang ito. Kaya hangga’t hindi sila nananawang mamahagi ng tulong ay hindi rin tayo mananawang sila’y isulat at papurihan.

Sana, Kuya James, dumami pa ang lahi n’yo at manatili lagi kayong malakas!

Maraming salamat po uli!