Salisi suspek huli, ninenok naglaho
ISANG 18-anyos na lalaki ang natimbog matapos mang-nenok ng sling bag na naglalaman ng mga cellphones at pera sa panulukan ng Guerrero St. at Padre Faura St. sa Maynila nitong Martes.
Dahil menor de edad, itinago sa pangalang Daniel ang suspek ng Delpan, Sta. Ana, Manila.
Sa imbestigasyon ni Police Corporal Philip Lizardo, habang abala sa pag aayos ng kanyang sari sari store si Mean Binaton, 37, biglang sumalisi sa pagkuha ng sling bag ang suspek na naglalaman ng Infinix Note30 na nagkakahalaga ng P10,000, Vivo Y15 (P8,000), Vivo A15 (P8,000), OPPO A15 (P6,000) at P4,700 cash.
Dahil dito, agad na umaksyon at nakipaghabulan ang mga tauhan ng Jorge Bocobo Police Community Precinct sakop ng Station 5 at nakorner ang suspek sa Guerrero St. malapit sa Padre Faura Street, Ermita.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz, commander ng Manila Police District-Ermita Police Station 5, bandang 2:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng United Nations Avenue at Apolinario Mabini Street, Barangay 666, Ermita.
Blanko naman ang pulisya na marekober ang lahat ng ninakaw ng lalaki.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 308 (theft) thru salisi ang lalaki.