SALIGANG BUTAS
TATLUMPU’T pitong taon na ang lumipas, ngunit narito pa rin tayo, nakasadlak sa tila walang katapusan bangayan at debate kung kailan at paano aamyendahan ang ating Saligang Batas.
Tanggap at batid natin na ang 1987 Constitution ay hindi na angkop sa kasalukuyang panahon at tila ba’y lumalaban sa agos ng pagbabago at modernisasyon.
Ang tanong: Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin natin ito nagagawa? Hanggang ngayon ba naman ay “in denial” pa rin tayo sa nagdudumilat na katotohanang ang ating Konstitusyon ay may mga butas na hindi na akma sa panahon ng globalisasyon? Sa loob ng 37 years, magmula sa panahon ni Pangulong Ramos hanggang sa administrasyon ni Digong, paulit-ulit ang mga pagkilos upang repormahin ang ating Konstitusyon.
Di tayo makausad at hindi natin makamit ang inaasam na kaunlaran dahil patuloy tayong nakagapos sa mga restriksyon sa ating Saligang Batas na pumipigil sa ating pag-unlad, habang ang ating mga kapitbahay sa Asya ay namamayagpag. Patuloy ang pag-angat ng kanilang ekonomiya at ng pamumuhay ng kanilang mga mamamayan.
Kung noon ay daig natin ang mga bansang Singapore, Thailand, Indonesia, Malaysia, at maging Vietnam pagdating sa estado ng ekonomiya, tayo ay tuluyan nang napag-iwanan. Ang lahat ng mga bansang ito ay dumaan sa Constitutional reform at kanilang binuksan ang kanilang ekonomiya para sa mga dayuhang mamumuhunan.
Inalis nila ang mga restriksyon sa kanilang Saligang Batas upang pahintulutan ang 100% ownership para sa mga foreign direct investments. Tanggap nila ang ilang mga negosyo ay nangangailangan ng malaking foreign capital na papasok lamang kung buo at walang kahating sapi ang mga dayuhang kapitalista.
In the meantime, 37 years na tayong urong-sulong sa ating kagustuhang baguhin ang mga equity restriction na nakasaad sa ating Saligang Batas. Patuloy tayong nagtatalo at kung ano-anong multo ang nakikita ng ilan sa pagbabagong maaaring dalhin ng pag-amyenda sa ating Saligang Batas.
In the end, tayo ang nagiging talo. Ang mga mahihirap ay lalong masasadlak sa hirap dahil wala namang mga pumapasok na panibagong mga oportunidad. Ang mga oligarko ay nananatiling kontrolado ang mga negosyo kahit napakapangit naman ang kanilang serbisyo. Without any strong competition mula sa mga malalaking dayuhang kapitalista, wala silang dahilan para pagandahin ang kanilang serbisyo sa mga Pilipino.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ang ating Senado ay mariin ang pagtutol sa pagbubukas ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ating Saligang Batas. Gusto ng ng status quo dahil karamihan sa kanila ay maaaring mawalan ng hanapbuhay at kapangyarihan kapag nabago ang ating Saligang Batas. ‘Ika nga ni Sen. Bato dela Rosa, makakapon ang Senado.
Nakakalungkot isipin na sa loob ng 37 taon, tayo ay naunahan na tayo ng ating mga kapitbahay. Hindi lamang sa ekonomiya at teknolohiya, kundi sa pagkakaroon ng isang matatag na sistema ng pamahalaan na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Ngayon, higit kailanman, panahon na para tayo’y kumilos. Hindi na natin maaaring hayaan na ang ating kinabukasan ay muling maipagpaliban dahil lamang sa ating mga Senador. Ang pagbabago ng Saligang Batas ay hindi lamang isang usapin ng legalidad o pulitika; ito ay isang hakbang patungo sa pagbuo ng isang mas matatag, mas maunlad, at mas inklusibong lipunan.