Salceda

Salceda nais iprayoridad Naga-Legazpi Rail Link

February 18, 2023 People's Tonight 738 views

LEGAZPI CITY – Isinusulong ngayon ni Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda na unahin at tapusin muna ang “Naga-Legazpi train connection” na malaki ang maitutulong aniya upang lalong sumigla ang turismo at ekonomiya ng Bikol, habang isinasaayos pa ang pagpupundo sa “nadiskaril” na Philippine National Railways (PNR) “South Long Haul Project” (SLHP).

Ayon kay Salceda, na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, nakipagpulong siya kamakailan kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, upang turolin ang mahahalagang proyekto sa transportasyon na sadyang kailangan at magbibigay ng ibayong pakinabang sa Bikol at Timog Luzon.

Sa naturang pulong, binigyang diin niya ang kahalagahan ng isang makabagong koneksiyon ng tren sa pagitan ng Naga City sa Camarines Sur at Legazpi City, ang “regional center” ng Bikol na nasa ika-2 distrito ng Albay na kanyang kinakatawan sa Kamara.

Bilang tugon sa kanyang panukala, nangako naman si DOTr Railways Undersecretary Cesar Chavez, na isa rin Bikolano, na kaagad niyang tututukan ang naturang panukala na maaaring punduhan agad ng pamahalaang nasyonal.

Isang kilala at respetadong ekonomista, tiniyak ni Salceda na ang mga gagawing pagtataas ng antas ng mga “transportation infrastructures” sa Bikol ay lalong magpapasigla sa turismo at ekonomiya ng Bikol at Timog Luzon.

Pansamantalang tinigil ang P142 bilyong PNR SLHP na orihinal na panukala ni Salceda, nang pinawalang bisa ng nakaraang administrasyong Duterte ang balangkas ng pagpundo nito dahil diumano sa kawalang aksyon ng Eximbank ng China sa pundong inuutang ng Pilipinas para sa proyekto.

Tinukoy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang PNR SLHP bilang prayoridad ng kanyang administrasyon at isa ito sa mga pangunahing usapin na tinalakay ng mga lider ng dalawang bansa nang dumalaw siya sa China nitong nakaraang Enero.

Ang ‘”South LongHaul” na proyekto, ayon kay Salceda, ay sadyang mahalaga at kailangang imprastraktura, hindi lamang para sa Bikol at Timog Luzon, kundi pati rin sa Kabisayaan at Mindanao.

Pinagtibay itong prayoridad na proyekto ng pamahalaan batay sa rekomendasyon ng Bicol Regional Development Council noong 2015, na noo’y panamumunuan ni Salceda.

Inilarawan ng mambababatas ang PNR SLHP na “bahagi ng magkakatugmang ‘multi-modal big-ticket projects’ na magsisilbing mabisang tulay tungo sa Kabisayaan at Mindanao at magtatampok sa Albay bilang sentro ng Bikol at ‘economic rediation center.’”

Habang pinag-aaralan at binabalangkas pa ang pagpondo sa PNR South Long-Haul, sinabi ni Salceda na lubhang mahalaga at magiging kapaki-pakinabang ang unahin at tapusin muna ang “Naga-Legazpi Rail Link” na madaling pondohan ng pamahalaan at tiyak namang madaling magbabalik-tubo sa pupuhunanin sa proyekto.

AUTHOR PROFILE