Default Thumbnail

Salceda: Ipasa ang ‘BBM’ stimulus package

July 25, 2022 People's Tonight 232 views

MULING nanawagan si House Ways and Means Chairman Albay Representative Joey Sarte Salceda, sa kapwa niya mambabatas na ipasa agad ang “Bayan Bangon Muli” stimulus package na magbibigay ng “special powers” kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para matugunan kaagad ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pagkain at pangunahing bilihin.

Sa isang panayam sa media, sinabi ni Salceda na kasama ang naturang mga special powers sa panukala niyang BBM stimulus package upang mapigilan ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Salceda, “nakatuon ang ‘BBM package’ sa ‘special powers’ ng Pangulo na sadyang pang-ekonomiya para mapigilan at maresolba agad ang pag-abuso sa merkado.”

“Banayad na kapangyarihan ang nakasaad sa Saligang Batas ngunit magiging ‘special’ sila kapag ginamit laban sa inflation,” paliwanag ni Salceda, na isang kilalang ekonomista.

Inihain niya ang kanyang panukala matapos sumirit sa 6.1% ang inflation na pinakamataas mula noong 2018, paliwanag ni Salceda.

Ayon sa kanya, inendorso na ni bagong halal na House Speaker Martin Romualdez ang kanyang panukala sa “economic managers” ng Pangulo.

Tatagal lamang ng 18 buwan ang ‘special powers’ gaya ng mga sumusunod: “Anti-hoarding powers” na pipigil sa sinuman na mag-imbak ng mga bilihing sobra sa normal na pangangailangang personal o ng negosyo na mabibili nito sa higit na mataas na halaga, na tutukuyin ng Pangulo na “scarce materials” o limitado ang suplay.

Kapangyarihang magbigay ng pautang at mga garantiya sa mga nagsusuplay ng mahahalagang mga bilihin; kapanyarihan laban sa pag-manipula ng mga presyo na magbibigay sa Pangulo ng poder na pigilin ang pagbebenta nito sa sobrang taas na presyo.

Kapangyarihan sa kusang pagpapa-imbestiga sa nakikitang pag-abuso sa merkado ng eherhiya at sadyang kailangang mga bilihin; “Emergency powers” sa transportasyon na magbibigay ng karapatan sa Pangulo na ipagamit ang mga pribadong karsada, pabilisin ang pagtapos sa mga pampublikong proyekto, magtalaga ng alternatibong sistema ng pagtatrabaho, at pansamantalang pagkontrol sa mga pasilidad sa paligid ng mga pantalan at paliparan para tugunan ang krisis sa paghahakot ng mga suplay.

Panghuli ay kapangyarihang gamitin ang unipormadong mga serbisyo ng pamahalaan para mapabilis ang paggawa sa mga imprastraktura o mabigyan ng mabilis na solusyon mga pagkakasakal sa transportasyon.

Binigyang diin din ni Salceda na kailangang pagsamahin ang “agrikultura at seguridad sa pagkain sa mga pagsasanay na ginagawa ng gobyerno, dagdagan ang suporta ng DA (Department of Agriculture) sa mga magsasaka, at magtalaga ng mga mekanismo sa pangangasiwa sa sobrang pagkain” upang maiwasan ang pagkasayang nito.

“Ipinanukala ko rin ang ilang mga paraan para maparami at mapabilis ang suplay ng mga bilihin sa pamamagitan ng mga MSME (micro, small and medium enterprises) o mga negosyong maliliit at katamtaman ang laki. Mangyayari ito kung higit na mapapadali ang kanilang pagrehistro at babawasan ang hihinging kailangan at mga dokumento gaya ng nakakainis nang sedula na wala namang silbi.”

“Sa loob ng 18 pagpapairal ng mga panukalang hakbang, maaari ring iutos ng Pangulo ang pagkakaroon ng ‘minimum petroleum inventory’ at pagpaliwanagin ang mgakumpanya ng langis sa malalaking pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto,” dagdag ni Salceda.

AUTHOR PROFILE