Salceda: Gawing patas pagtatalaga ng mga bakuna sa mga rehiyon gaya ng Bikol, Bangsamoro

July 16, 2021 People's Tonight 335 views

HINILING ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na gawing patas ang pagtatalaga ng mga bakuna laban sa COVID-19 ngayong marami na nito ang dumarating sa bansa. Hindi gaanong patas ang pamamahagi nito sa mga rehiyon gaya ng Bikol at Bangsamoro sa Mindanao kaya “lubhang napag-iwanan na”

Ipinaliwanag ni Salceda na siyang chairman ng ‘House Ways and Means Committee’ at co-chairman ng ‘Defeat COVID-19 Ad Hoc panel’ na kaiba sa ka-Maynilaan, masyadong magkakalayo ang mga pangkalusugang pasilidad sa mga rehiyon.

“Lubhang kailangan ang pagbabakuna sa mga probinsiya gaya sa Bikol. Madali sa taga-Kalookan ang pumunta sa Munliglupa upang magpa-ospital ngunit halos imposible ito sa taga-Catanduanes o Masbate na pumunta sa Camarines Norte para sa ganong layunin,” dagdag niya.

Batay sa mga datus, pinuna ni Salceda na pinakamataas ang Metro Manila sa bilang ng mga nabakunahan na 26.5% na ng mga mamamayan nito noong ika-4 ng Hulyo, habang kulelat ang Bikol na may 2.73% lamang, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na 1.52% ng mga mamamayan nito ang nabakunahan.

“Isa sa mga layunin ng pagbabakuna ang maiwasan ang pagpapa-ospital, kaya dapat maisagawa ito sa mga lugar na napakahirap ang pagpapa-ospital. Nauunawaan ko na sadyang kailangan ang mga bakuna sa sentro ng mga negosyo gaya ng NCR, ngunit sobra namang hindi patas ang nagaganap. Noong Martes, nagtala tayo na pinakamalaking nabakunahan sa isang araw na umabot sa 375,059. Kailangang 750,000 ang mabakunahan sa isang araw para matamo natin ang ‘herd immunity’ sa katapusan ng taon,” sabi niya.

Pinansin din ng mambabatas ang masigasig na ‘National Task Force (NTF) Against COVID-19’ sa ilalim ni Secretary Carlito Galvez upang matulungan ang mga rehiyon, at inaasahan niyang maitatalaga sa kanila agad ang kailangan nilang mga bakuna.

“Pag-asang manatiling buhay ang isyu ng bakuna, lalo na sa mga lalawigan na kulang sa mga pangkalusugang pasilidad. Kung mananatiling nakasentro lamang ito sa ilang piling kugar, manatiling isyu ang COVID-19 sa bansa,” paliwanag ni Salceda.

Samantala, nangako naman ang NTF na pabibilisin nito ang pagtatalaga ng mga bakuna sa mga lalawigan sa buong bansa dahil maraming bakuna ang inaasahang darating sa bansa sa susunod na mga buwan.

AUTHOR PROFILE