Salceda

Salceda, gagawaran ng ‘Golden Peacock Excellence Award’

November 24, 2021 People's Tonight 243 views

Sa natatanging pamumuno ng FICCI-PH

IGAGAWAD ng ‘Federation of Indian Chambers of Commerce Inc., Philippines’ (FICCI-PH) ang pinakamataas nitong parangal na “Golden Peacock Award of Excellence” kay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, bilang pagkilala sa “Exemplary Leadership, Dedication and Vision” o Natatanging Pamumuno, Dedikasyon at Pananaw ng mambabatas.

Ang parangal ay pormal igagawad sa ‘Virtual Gala Night’ ng ika-70 anibersaryo nito na gaganapin sa Nobiyembre 27, ika-7 ng gabi. Ang FICCI ay isang samahan ng mga pribadong negosyante sa India na itinatag noong 1927. Isinusulong ng FICCI-PH ang marangal na Filipino-Indian business community, ang malakas na kapatiran ng ng mga kasapi nito, at ang masiglang ugnayan sa negosyo ng Pilipinas at India.

Ang Golden Peacock Awards naman na 30 taon na ngayon ay itinuturing na mahusay at kapani-paniwalang pamantayan ng ‘global excellence’ sa mundo. Tumatanggap ito ng mahigit 1,000 nominasyong pararangalan sa iba’t-ibang kategorya nito taon-taon. Pinadadaan ang mga ito sa tatlong antas ng pagsusuri at pagsala bago pagpasiyahan.

Kandidato ngayon si Salceda sa pangatlong termino niya bilang Kinatawan sa Kamara ng distrito niya na sumasaklaw sa Legazpi City, ang ‘regional center’ ng Bikol. Naging siyam na taong gubernador ng Albay hanggang 2016. Bago iyon, Kongresista din muna siya ng kanyang distrito ng tatlong termino. Nagsilbi din siya ng isang taon sa gabinete ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Isang kilalang ekonomista, itinuring siyang ‘Asia’s best stock market analyst’ bago siya pumalaot sa pulitika.

Kasalukuyang chairman si Salceda ng House Ways and Means Committee. Siya ang bumalangkas at may-akda ng ilang itinuturing na ‘landmark legislations’ ng Kongreso na pinangungunahan ng ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion’ (TRAIN Law) na nagpapataw ng higit na mataas na buwis kaysa mahihirap.

Ss Salceda rin ang may-akda ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, na nagbaba sa mga ‘corporate income taxes’ ng mga korporasyon upang akitin ang mga mamumuhunan, lalo na ang mga dayuhang kapitalista. Sa ilalim ng CREATE, tinatantiyang kikita ang pamahalaan ng trilyones sa buwis sa susunod na 10 taon, pasisiglahin lalo ang ekonomiya at malilikha ang milyun-milyong kapaki-pakinabang na mga trabaho.

Isa pang itinuturing na monumentong batas na akda ni Salceda ang ‘Universal Access to Quality Tertiary Education Act (R.A.10931) na lalong kilala sa pangalang ‘Free Tuition Law of 2017.’ Sa ilalim nito, libre na ang tuwisyon at iba pang mga bayarin sa mga ‘state universities and colleges’ (SUC) at iba pang mga kolehiyong lokal ng pamahalaan para sa mahihirap na estudiyante. Para naman sa mga hindi kwalipikado sa libreng tuwisyon, may laan din itong pautang sa mga papasok sa mga pribadong pamantasan na magaang babayaran kapag nakatapos at nakapag-trabaho na sila.

Dahil sa naturang batas, pinarangalan at kinilala ng ‘Commission on Higher Education’ (CHED) si Salceda bilang “Father of Free Tuition in College noong nakaraang Mayo ngayong taon.

Isa pang napakahalagang batas na akda ni Salceda ay ang R.A. 11590 na nilagdaan ni Pangulong Duterte nitong nakaraang Setyembre. Pinagbabayad nito ng buwis ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na inaasahang makalilikom ng mga P144 bilyon para sa pamahalaan habang pinatatatag ang industriya,

Marami pang mahahalagang panukala batas ni Salceda ang nakahain ngayon sa Kamara, kasa ang pagtatag ng Department of Disaster Resilience, Public Schools of the Future, at Science for Change o S4CP.

Pararangalan din ng FICCI-PH ang walo pang ibang mga lider Pilipino sa iba’t-ibang kategorya, kasana sina Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, Cabinet Secretary Karlo Nograles, Defense Secretary Delfin Lorenzana, OPAPP Secretary Carlos G. Galvez, ARTA Director General Jeremiah B. Belgica, IPOPHL Director General Rowell S. Barba, at retiradong PNP chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar.

AUTHOR PROFILE