Default Thumbnail

Salaysay na may Saysay: Kasaysayan para sa Kabataan

October 3, 2022 People's Tonight 2585 views

RobinLAHAT tayo ay nadismaya nang mapanood ang nag-viral na video ng mga kabataan na nagpakita ng limitadong kaalaman sa history quiz bee sa isang reality show kamakailan. Imbes kasi na “GOMBURZA” ang tugon sa tanong kung ano ang tawag sa tambalan ng mga pangalan ng tatlong paring martir, ang sagot ng isa ay “MaJoHa”; ang pinakamahabang tulay naman daw ay “SLEX” (South Luzon Expressway) imbes na San Juanico Bridge; samantalang ang palayaw ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal ay J.Rizal at hindi Pepe.

Matapos humupa ang isyu na para sa marami’y “joke” o katatawanan lamang, hindi ba’t mapapaisip tayo: ano na ba ang natututunan ng mga kabataan sa paaralan?

Salaysay na may saysay — ito po ang pakahulugan ng ating Kasaysayan. Ating binabalikan ang nakaraan upang bigyang kabuluhan at katuturan ang sariling atin para sa mga Pilipino na dapat magkaroon ng kamalayan ukol dito.

Mahalagang maisalin ang kasaysayan sa sinasalaysayan nito at sa susunod pang henerasyon. Batid nating lahat: ito ang humuhubog sa ating kamalayan ukol sa ating kasarinlan, pagiging bahagi ng isang lipunan, at kaugnayan bilang isang lahing Pilipino.

Kung hindi man sukatan ang #MaJoHa ng “learning crisis” ng bansa tulad ng depensa ng ilan, hudyat po ito na dapat na nating tutukan ang kalidad ng paglilinang ng edukasyon lalo na ng pagtuturo ng Kasaysayan ng Pilipinas.

Ito po ang isa sa nag-udyok sa atin para ihain ang Senate Bill No. 451 o ang “Inclusion of the Philippine History as a Separate Subject in the High School Curriculum”. Layunin po ng panukalang batas na mapabilang ang Kasaysayan ng Pilipinas (Philippine History) bilang hiwalay na subject sa kurikulum ng hayskul.

Sa kasalukuyan po, ang subject na nakatuon sa Philippine History ay nasa kurikulum ng Grades 5 at 6, samantalang nakapaloob lamang ito sa Araling Panlipunan o Social Studies sa Junior at Senior High School.

Batid natin na sa gitna ng pagbabago sa sistema ng edukasyon at pandemya, dapat pagtuunan ng pansin ang aralin na magpapasigla sa nasyonalismo at pagkamakabayan ng ating mga kabataan.

Sa ilalim ng panukalang batas, mabibilang sa talahanayan ng kurikulum ukol sa Kasaysayan ng Pilipinas ang mahahalagang aralin. Una na po rito ang paghubog ng pagka-makabayan ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng pagkintal sa kanilang isip ng sakripisyo ng mga bayani ng Pilipinas sa iba’t ibang mahahalagang kaganapan, kilusan at rebolusyon na nagpalaya sa ating bayan.

Babalikan natin ang ating kinagisnang bayan bago pa tayo masakop ng ibang lahi: mula sa prehistoryang Pilipinas kung saan nag-iwan sa atin ng mayamang pamana ang ating mga ninuno. Palalawigin din natin ang kaalaman sa kultura ay identidad ng ating mga kapatid sa Bangsamoro at iba pang indigenous peoples akasentro din ito sa interpretive at analytical na pag-unawa ng teksto at mga journal, upang mahasa ang kritikal na pagsusuri at diskurso ng mga mag-aaral tungkol dito.

Nais po natin na buksan ang kamalayan at gisingin ang nasyonalismo ng ating mga kabataan sa pamamagitan ng kamulatan at kritikal na pag-unawa ng kasaysayan. Ang ating layunin: bigyang saysay ang buhay ng mga dakilang bayani, kasama na buhay ng mga paring martir na sina Mariano Gomez, Jose Burgos and Jacinto Zamora; ni Melchora Aquino o Tandang Sora, ang Ina ng Katipunan; ni Jose P. Rizal — ang ating pambansang bayani.

Sa kabuuan, layunin ng ating panukalang batas na bigyang kabuluhan ang ating kasaysayan, ang ating lahi, at ang ating bayan – para mas makilala natin ang ating mga sarili bilang Pilipino. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE