SALAMAT, SINGAPORE
Speaker Romualdez:
NAGPAHAYAG ng taos-pusong pasasalamat si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa gobyerno ng Singapore sa tulong na ipinaabot ng pamahalaan nito sa mga biktima ng bagyong Kristine, partikular ang mahalagang papel ng Singapore Air Force sa paghahatid ng tulong para sa mga pinakamalubhang nasalantang komunidad.
Pinasalamatan ni Speaker Romualdez sina Singapore President Tharman Shanmugaratnam at Ambassador to the Philippines Constance See sa pagpapagamit ng C-130 aircraft para makapaghatid ng tulong sa libu-libong pamilyang Pilipino na sinalanta ng bagyo na nagdulot na malawakang pinsala sa buong Pilipinas.
“Nagpapasalamat kami sa pamahalaan ng Singapore, lalo na kay President Tharman Shanmugaratnam at sa kanilang embahadora dito sa Pilipinas, si Ambassador Constance See, para sa kanilang maagap na pagtulong sa ating bansa,” ani Speaker Romualdez.
“Ang tulong na kanilang ipinadala, lalo na ang C-130 aircraft mula sa Singapore Air Force, ay magagamit natin sa mabilis na paghahatid ng relief goods sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo,” saad ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.
Nagpadala ang Singapore Armed Forces ng C-130 transport aircraft para tumulong sa pahahatid ng humanitarian aid supplies, partikular sa Bicol region, na isa sa pinakatinamaan ng bagyong Kristine.
Ayon kay Speaker Romualdez, ipinapakita nito ang matatag na ugnayang bilateral ng Singapore at Pilipinas at binibigyang halaga ang kooperasyong pang-rehiyon sa panahon ng krisis.
Malaking tulong ani Speaker Romualdez ang ibinigay ng Singapore para mapalakas ang relief operations ng administrasyon ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng Kamara, katuwang ang iba pang mga ahensya ng gobyerno.
“We truly appreciate this gesture. Singapore is a true friend of the Philippines,” saad ng lider ng Kamara mula Leyte.
Aktibong nakikibahagi ang Kamara sa pagpapaabot ng tulong sa mga nasalanta, kung saan una nang ipinahanda ang P411 milyong halaga ng tulong pinansyal sa 22 distrito at apat na party-list groups na apektado ng bagyo.
Nagpahanda rin ng 2,500 relief pack ang Office of the Speaker at Tingog Party-list para sa mga biktima.
Binigyang-diin din ni Speaker Romualdez ang importansya ng international support sa pagtugon sa malawak na pinsalang dulot ng bagyong Kristine kung saan may 2.6 milyong katao ang apektado.
“Hindi biro ang pinsalang idinulot ng bagyong ito. Ang tulong mula sa mga kaalyadong bansa tulad ng Singapore ay nagbibigay-lakas sa ating bayanihan spirit na magtulungan at magkapit-bisig sa pagbangon,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Tiniyak ni Speaker Romualdez sa publiko na nananatiling nakasuporta ang Kamara sa recovery at rebuilding efforts ng pamahalaan.
“Hindi po kami titigil hangga’t hindi nakakaabot ang tulong sa lahat ng nangangailangan. Tinitiyak po namin na ang tulong pinansyal at relief goods ay makakarating sa mga pamilyang nawalan ng tahanan at kabuhayan,” paglalahad niya.
Una nang naglunsad ang Ako Bicol Party-list, katuwang si Speaker Romualdez, ng malawakang relief at rescue operations sa buong Bicol kasunod ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Tumugon din si Speaker Romualdez sa panawagan ng Ako Bicol para sa 20 motorboats, outboard motors at kinakailangang rescue equipment na naipadala sa pamamagitan ng C-130 military aircraft at relief goods.
Dumating ang mga rubber boat sa kasagsagan ng search and rescue oepration sa Bicol kung saan kasama rin ang life vests, life buoys, traction ropes at rope throwing bags para mapalakas ang pagsaklolo ng lokal na pamahalaan.
“These tools were vital as we faced severe flooding that displaced thousands of our kababayans,” sabi ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co. “We are deeply grateful for Speaker Romualdez’s prompt action.”
Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang mabilis na aksyon ng Kamara sa pagtugon sa krisis kung saan nakapagpalabas na ng halos P500 milyong tulong sa mga komunidad na apektado ng bagyo, na pagpapakita ng kakayanan ng institusyon na umaksyon sa panahon ng kalamidad.