Salamat sa patuloy na pagtitiwala

May 2, 2022 Paul M. Gutierrez 140 views

PaulGINANAP at natapos noong Linggo, Mayo 1 (Labor Day), ang general assembly at eleksyon ng National Press Club of the Philippines (NPC), ang pinakamalaking samahan ng mga aktibong kasapi ng media sa bansa.

Nagpapasalamat tayo sa ating mga miyembro—regular at lifetime—na dumating, lumahok at naging masaya sa buong maghapon na tayo ay magkakasama.

Isang panibago at makasaysayang yugto sa 69 na taon ng NPC ang mga naging kaganapan noong Linggo. Sa una kasing pagkakataon, isang babae—si ex-NPC secretary at Remate editor Lydia Bueno—ang inihalal na pangulo ng NPC.

Sa panig naman natin, nagkasundo ang ating partido, ang Press Freedom Party (PFP) na tumakbo na muna tayong kalihim (secretary) bilang kapalit ni “kapatid” na Lydia.

***

Na naging maganda ang pamumuno ng PFP sa NPC sa nakaraang higit na isang dekada ay pinatunayan ng katatapos na halalan noong Linggo. Sa buong panahong ito kasi, lahat ng kandidato ng ating partido, mula presidente hanggang sa mga direktor, ay palaging panalo.

Sa nakaraan ding elekson, wala nang kumalaban sa buong executive officers slate ng PFP kaya muli ay epektibong mapamumunuan ng partido ang liderato ng NPC. Muli, sa ganang atin, ito ay patunay na buong lugod na tinanggap ng ating mga miyembro ang ipinakitang pamumuno ng PFP sa NPC kung saan napakaraming mga positibong pagbabago silang nakita.

Nagpapasalamat din tayo sa ating mga miyembro sa probinsiya—Nueva Ecija, Bulacan, Laguna, etc., na kusang loob na nagpunta sa NPC upang makaboto. Natutuwa tayong makakita ng mga miyembro na bagaman nasa malalayong lugar ay hindi nagdalawang isip na ipakita ang kanilang buong suporta sa ating samahan at sa ating halalan.

Marahil, ang kanilang pagpunta ang kanilang “sukli” sa ipinakita rin namang malasakit sa kanila ng NPC partikular noong pandemya, kung saan gumagawa tayo ng mga paraan upang maiparating sa kanila ang mga ayuda, kasehodang dumukot pa nga tayo sa sarili nating bulsa.

***

Sa ating pagbaba sa panguluhan ng NPC pagkaraan ng dalawang termino (2016 – 2018; 2020 – 2022), nagpapasalamat tayo sa mga kaibigan at mga kakilala na nagpahatid ng kanilang mainit na pagbati sa ating naging liderato.

Anila pa, sadyang tumaas ang kredibilidad at ningning ng pangalan ng NPC bilang isang responsable at matinong organisasyon ng media sa buong bansa sa ilalim ng ating pamumuno.

Sa ilalim naman ng liderato ni Pang. Lydia, kumpiyansa tayong hindi lang niya matatapatan, bagkus, malalampasan pa niya ang mga tagumpay na naibigay natin sa NPC.

Bukod sa pagiging matagal na kalihim ng NPC, dati ring pangulo at hanggang sa ngayon ay responsableng opisyal ng Pasay City Host Lions Club si Pang. Lydia kaya alam nating may sapat na siyang kakayahan at kasanayan bilang isang lider ng organisasyon.

Sa atin namang mga kapatid sa hanapbuhay at sa ating mga kababayan, salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala at makaaasa kayo na hindi namin kayo bibiguin sa ibinigay ninyong pagtitiwala sa NPC.

Mabuhay ang responsableng pamamahayag!

AUTHOR PROFILE