Salamat PPCRV

May 13, 2022 Erwin Tulfo 152 views

TulfoILANG araw matapos ang halalan nagsalita na ang election arm ng Simbahang Katoliko na Parish Pastoral Council for Respnsible Voting (PPCRV) hinggil sa obserbasyon nito sa parallel counting ng mga boto.

Ilang oras pa lamang kasi matapos ang halalan at bilangin ang mga boto…inilabas na agad ang “partial and unofficial result” ng halalan.

Umalma ang oposisyon dahil sa malayo daw ang agwat ni bbm kay Leni at naniniwala silang may nagaganap na dayaan lalo na sa mabilis na transmisyon ng mga boto.

Pero ayon sa PPCRV, “no discrepancies” o walang naging anomalya sa bilangan ng boto.

Ayon kay PPCRV Chairman Myla Villanueva wala naman silang nakitang problema o anumang anomalya sa bilangan.

Gayon pa man, may ilang grupo na ayaw maniwala partikular ang mga makakaliwa o mga militante na tingin talaga nila ay may nangyaring dayaan.

Ang Simbahang Katoliko naman bagamat suportado ang kandidatura ng Leni-Kiko tandem ay tila tanggap na rin ang resulta ng nagdaang halalan.

Ani Lingayen Archbishop Soc Villegas, “divided talaga tayo kaya kailangan natin ng healing that is why we need God”.

Pinayuhan pa ni Bishop Villegas ang mga susunod na lider na pagsilbihan ang bayan at yakapin ang mga mahihirap na kababayan.

Marami naman ang natuwa sa pahayag ng PPCRV lalo na sa mga supporters ni BBM dahil inamin nito na walang anomalya nitong nagdaang halalan.

Tila humupa naman ang pagdududa ng mga supporters ni Leni lalo na yung mga mayayaman at ang tinatawag na civil society na may naganap na dayaan dahil sa pahayag ng PPCRV.

At doon sa mga volunteers at bumubuo ng PPCRV, at ang Simbahang Katoliko na rin, salamat sa pagiging tapat sa inyong obserbasyon at pahayag hinggil sa eleksyong nagdaan.

Nawa’y matanggap na rin ng iba pang grupo ang resulta para makamit na natin ang sinasabing “healing” at pagkakaisa.

AUTHOR PROFILE