Default Thumbnail

Salamat kay PRRD

June 29, 2022 Allan L. Encarnacion 312 views

Allan EncarnacionMAY mga dapat ba tayong ipagpasalamat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte?

Personal, para sa aking mga kamag-anak, kaibigan at kapamilya? Yes, mayroon kaming dapat ipagpasalamat.

Bago naging Presidente ni Digong, kaliwa’t kanan ang akyat-bahay sa paligid namin. Ang totoo, kami rin mismo ay naakyat-bahay at mabuti na lamang hanggang sa garahe lamang siya umabot dahil nagising na ang aking may bahay.

Iyong insidente nga na iyon ang dahilan kung bakit ang 11 Chinese holy tree na nakapalibot sa aming bakod ay bigla kong pinaputol. Ito iyong puno na halos eight feet ang taas na bininilog ni Edward Scissorhands sa kanyang pelikula dahil mukhang doon umakyat ang magnanakaw.

Sinundan ko iyon ng pagpapalagay ng electric fence na may alarm system sa buong paligid ng bahay namin. Hindi ko naman akalain na magiging Presidente si Digong, hindi ko na sana ginastusan pa ang bakod.

Maging mismong mga kapitbahay namin, sunud-sunod din naakyat-bahay bago pa naging Presidente si Duterte.

Aminin man natin o hindi, napabayaan talaga ang krimen at problema sa illegal drugs sa maraming dekada. Kaya nga parang kabute na na nagsulputan ang mga shabu tiangge, ang mga shabu laboratory sa mga slums area, sa mga farms at kahit pa sa mga exclusive subdivision.

Ang mas mabigat nga, sa mismong Bilibid na naging central chef ng shabu industry bago pa naging Presidente si Digong.

Alam din naman nating lahat na ang carjacking, ang mga bank robbery, ang mga panloloob sa pawnshop sa pamamagitan ng mga imburnal, ang mga riding in tandem, mga bus at jeepney holdup ay pangkaraniwan na ang ginagawa ng mga lulonng sa droga.

Idagdag mo pa ang rape-slay sa mga empleyado, sa mga estudyante at kahit pa sa sanggol ay palagi nating nababalitaan na kagagawan ng adik.

Ang dahilan nga, walang gobyerno ang totoong tumutok sa illegal drug problem sa mahabang panahaon kaya nang dumating si Digong, sinlalaki na ng sungay ni Satanas ang nasa bumbunan ng mga drug lords at mga drug addict.

Maraming lugar ang tumahimik, maraming mga mamamayan ang napanatag nang magsimula ang drug war ng Duterte administration.

Iyong mismong mga adik na baklas side mirror kapag nag-stop and go sa E. Rodriguez, QC. ay naubos silang lahat dahil sa drug war. Iyong mga kabataang maya’t maya ay nagra-riot sa Kamuning at Kamias area, nawala na rin.

Karamihan sa mga batang iyon ay adik sa shabu at adik sa rugby na kapag nabangag sa hatinggabi, basta na lang maghahabulan at mambabato ng mga bahay sa paligid.

Hindi ko na babanggitin ang maraming infrastructure na natapos ng Duterte administration dahil kitang-kita naman nating lahat yan. Ang totoong monumental accomplsihment ng Duterte government sa tingin ko ay ang peace and order dahil nga kung hindi man naubos ang mga drug addict na kriminal, baka nagsipagbagong-buhay na sila.

Ang magandang balita rito, nangako na si PBMM na itutuloy ang drug war kaya umaasa tayo na hindi magbabalik sa kalsada ang mga kriminal na pumipinsala ng ating mga naghahanapbuhay na kababayan.

Mula sa kaibuturan ng aking puso at ng milyun-milyong Pilipino, salamat sa pumapayang bayan, Mr. President!

[email protected]