Default Thumbnail

Saklolo OWWA Chief Hans Leo Cacdac!

October 2, 2021 Marlon Purification 1262 views

Marlon PurificationISANG malapit na kaibigan ang tumawag sa atin nitong Biyernes ng gabi.

Inihihingi niya ng tulong ang pinsang Overseas Filipino Workers (OFW) na nagtatrabaho ngayon sa Dammam, Saudi Arabia.

Ang OFW na tinutukoy natin ay si Cristine Duenas Sacramento, 26 na taong gulang, may-asawa at isang ina mula sa Baggao, Cagayan province.

Bilang patunay na legit at seryoso ang paghingi ng saklolo, isang sulat at video ang ipinadala sa inyong lingkod na plano nating i-endorso ngayon sa kinauukulan, partikular na kay Overseas Workers Welfare Adminitration Hans Leo Cacdac.

Si Cristine ay nakipagsalaran sa Saudi Arabia sa ilalim ng Sir Prince Global Manpower Services Inc., na may tanggapan sa 4677 Arellano St., Bgy. Palanan, Makati City. Mahigit isang buwan pa lamang siya roon, ngunit sobrang hirap at panganib agad ang nasuong niyang trabaho.

Sa kanyang salaysay sa pamamagitan ng video, inihayag nito ang kaawa-awang sitwasyon.

Naka-tatlong employer si Cristine.

Una ay napunta siya sa isang employer na hindi siya pinapakain ng maayos. Puro tubig lang daw ang ibinibigay sa kanya kada-tatlong araw.

Kahit alam na katatapos lamang niyang manganak thru cesarean operation, pinagbubuhat ng mabigat. Hanggang sumakit ang tiyan at natanggal ang tahi nito na naging dahilan kung bakit siya hinimatay.

“Nakiusap po ako sa employer ko na ibalik ako ng agency. Tapos nung ibinalik po nila ako, may 2nd employer naman po ako. Tapos, nag-interview ang employer ko, ang sabi ay apat sila, apat ang anak niya tapos silang mag-asawa. Kinuha po ako ng gabi,” ani Cristine.

Ngunit pagdating nila sa bahay ng bagong amo, dalawang pamilya pala ang pagsisilbihan nito. “Overworked po ako. Alas 3:00 ng madaling-araw natatapos ang work ko, tapos gising ako ng alas-6:00 ng umaga.”

Nagpabalik uli ito sa agency dahil hindi natupad ang kanilang usapan, lalo’t hanggang 3rd floor ang bahay ng ikalawang boss na Arabo.

Ang ikatlo niyang amo ay ginagawa naman silang ‘cleaners’ na diumano’y illegal na gawain sa pagkuha ng naninilbihan.

Labas din ito sa kontratang pinirmahan ni Cristine sa kanyang agency sa ‘Pinas.

“Iyong cleaners ay mga illegal na gawain dito na ini-explain sa akin ni Ma’am Annalyn na taga-Welfare po. Iyon po ang pinagbabawal. Ang alam ko na kumuha sa akin ng 3rd employer ko ay isang bahay lang ako nagtatrabaho. Ang ipinagtataka ko, bakit nila ako binagsak sa isang bahay tapos may kumuha sa akin, hindi pa po ako nakaka-10 minutes pagdating sa bahay,” sabi pa niya.

Ang nakakatakot, ilang kababayang Pinay na natin ang napipilitang sumabak sa prostitusyon.

“May mga kasama po ako na mga Filipino na Pinay. Iyon ang accommodation ng mga cleaners, iba’t ibang bahay ang nililinisan, Kung gusto ka nila galawin ay wala kaming magagawa kasi binabayaran naman daw sila.

May hawak po sila sa amin kaya wala kaming magagawa. Ang duty po namin ay five hours sa isang bahay at five hours uli sa pangalawang pang bahay. Bale sa isang araw po ay may 10 hours kaming pinagtatrabaho,” dagdag pa ni Cristine.

Higit pang nakakutob ng hindi maganda si Cristine nang mapansin na sa tuwing ibinababa sila ng van ay hindi sila puwedeng bumaba nang sabay-sabay. Ibig sabihin, hindi sila puwedeng mapansin ng kinauukulan kaya isa-isa ang pagpasok nila sa tinutuluyan nilang bahay.

“Ang sahod po nila doon ay 2,000 SR (Saudi Riyal). Tapos may dalawang day off kaya po hindi ako pumayag kasi po illegal po iyong cleaners na napasukan kong ito.

Kaya po humihingi ako ng tulong na tulungan n’yo na po akong makauwi. Hindi ko na po kaya. Nag-aalala na po ang asawa ko at magulang ko. Hindi na rin po ako makatulog sa takot kung ano ang mangyari sa akin dito.

Tulungan ninyo ako, takot na takot ako. Pagdating ko sa accommodation namin, wala na naman akong cellphone na hawak kasi kinukuha ng agency namin ang mga cellphone,” mangiyak-ngiyak na salaysay pa nito.

May mga kasamahan din aniya siyang ‘refusal’ na ayaw ding pauwiin . Mag-eight months na po iyong iba. Iyong isa po may sakit sa puso, hindi kayang pauwiin.

“Hindi ko na po alam ang gagawin ko kung tatagal po ako doon. Natatakot na po ako kung ano ang mangyari sa akin. Sana po matulungan ninyo ako,” sabi pa nito.

Umaasa tayong sa pamamagitan ng pitak na ito ay makagawa ng aksiyon ang tanggapan ni OWWA chief Cacdac upang maiwasan ang posible na namang masamang trahedya na sapitin ng ilan nating kababayang OFW.

Ang exact location ngayon ni Cristine Sacramento ay sa Dammam, Othman Bin, Affan-Hai-Al-Nazah Bail Nu-7367.

Nakigamit lamang siya ng cellphone, pero puwede itong tawagan sa 0936-7601245.

Lehitimo ang sumbong at higit na nakatatakot ay iyong iba nating kababayan na napipilitan nang pumayag makipag-sex sa mga among Arabo dahil sa sobrang takot.

Saklolo po, Mr. Leo Cacdac, Sir!