Default Thumbnail

Saganang pagkain ang unahin

June 10, 2022 Allan L. Encarnacion 321 views

Allan EncarnacionMurang bigas ba ‘ka mo?

MAINIT na usapan ngayon kung kaya bang pababain sa P20 ang kada kilo ng bigas sa mga darating na buwan. Masyado nating binibigyan ng mabigat na obligasyon ang papasok na bagong administrasyon gayong sa mahabang panahon ay napabayaan ang staple food nating ito.

Inabot ko naman ang murang kilo ng bigas pero hindi ko inabot ang sobrang murang isang salop na kuwento ng nanay ko.

Sa yumao kong nanay rin narinig na kapag bumili ka ng isang kilong baboy na pang-adobo, libre na ang bawang at sibuyas mula sa tindera.

Nasa P2.10 ang tanda kong presyo ng kilo ng bigas noong panahon ng erpat ni PBMM. Siguro mga huling taon ng dekada 70 iyon. Unti-unti nang nagliparan ang taas ng presyo ng bigas matapos ang people power noong 1986.

Para mas may idea kayo gaano kalaki ang valor ng pera noon, P20 lang ang baon ko sa college. Ang bahay namin ay sa Novaliches, QC at papasok naman ako sa Lyceum sa Intramuros, Maynila.

Dalawang sakay iyon, Novaloches-Blumentritt (P5), tapos lipat ng jeep na FB-Harrison-Baclaran (75 cents)para makababa sa Lawton.

Hanggang maka-graduate ako noong 1990 sa kursong AB Masscom, iyon ang baon ko. Kung inflationary ang usapan, iyong P20 kapag ipinabaon ko sa anak kong graduating sa college ngayon, baka hanggang doon lang siya sa kanto ng bahay namin makarating.

Balik tayo sa usapang bigas. Bukod sa marami kang tindahang mabibilhan ng murang bigas, mayroon pang isang sentro ng bagsak-presyong bigas, iyong Kadiwa na maraming kababayan natin na mas bata sa akin ay hindi na ito inabot.

Ang Kadiwa noong panahon ni Macoy ay parang bargain warehouse club na naroon lahat ng kailangan mo mula asin, asukal, isda, baboy, mantika hanggang sa bigas nga. Karamihan sa agricutural produced ng ating mga magsasaka at mga mangingisda ay doon mo makikita sa Kadiwa.

Mayroon pang isa, iyong FTI o Food Terminal sa Taguig na sentrong-bagsakan ng lahat ng gulay, gawaan ng mga processed food at kung anu-ano pa. Ibig sabihin, sobrang sagana ng supply ng lahat ng klase ng pagkain kaya murang naipagbibili sa merkado.

Walang masyadong imported products noon sa karaniwang palengke. Kung gusto mo ng imported na de lata, doon ka pumutan sa Angeles City sa Pampanga, or Olongapo sa Zambales o kaya, sa mga suluk-sulok sa Pier sa Manila or sa 11th Avenue sa Caloocan.

Hindi kayang kompetensiyahin ng imported products ang local product noong mga panahang iyon dahil nga sa grabe ang dami ng supply ng pagkain dito. Ngayon, bigas ng Isabela at Nueva Ecija, natatabunan ng bigas mula sa Thailand at Vietnam, iyong carrots at repolyo ng Baguio at Benguet, daan-daanan lang ng mga gulay mula sa China, Taiwan at Thailand. Pati mga prutas dito ngayon, karambola na ang variety dahil kung saan-saang bansa nagmula.

Hindi natin ipapasa ang pasanin sa incoming admin para sa abundance food supply pero sa tingin natin, kailangang bumalik sa drawing board ng mga departamento ng gobyernong nangangasiwa sa supply ng ating mga pagkain.

Hindi magagawa mag-isa ni PBMM ang paglutas ng nagkasanga-sangang problema ng bansa kaya kailangan nating tumulong lahat.

Bago natin palawakin ulit ang mga BPO or mga call centers, puwede kayang bisitahin natin ang ating mga magsasaka, mangingisda at mga naghahayupan? Marami silang pangangailangan na hindi napagtutuunan ng pansin ng papalit-palit ng pamahalaan.

Kapag naging sagana ulit tayo sa pagkain tulad noong panahon ni Macoy, mas madali na nating magagawang makapag-imbita ng mga investors para sa BPO at iba lang sektor. Doon tayo sa basic needs.

Sabi nga, huwag muna nating pangaraping umakyat sa buwan hangga’t wala pang laman ang ating mga “paminggalan” (kusina ito baka di alam ng milenyal).

[email protected]