Default Thumbnail

Safety patok sa pagtutok vs ‘Maymay’

October 12, 2022 Erwin Tulfo 241 views

TulfoMASUSI kaming nakatutok sa banta ng tropical depression Maymay habang sinusulat ko ito.

Inaasang tatama ang bagyo sa kalapit bayan ng Baler, Aurora galing ng Philippine Sea, ayon sa weather bureau PAGASA.

Nakataas ang Signal No. 1 sa anim na probinsya sa Central Luzon habang inaantabayanan namin ang landfall ni Maymay sa naturang lalawigan.

Tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) na hindi magsasawalang-bahala ang pamahalaan kaya pinulong niya kaagad ang disaster and calamity team pagkatapos ng Cabinet meeting noong Martes.

Kabilang po ako at sina Office of Civil Defense Sec. Jose Faustino at Department of Science and Technology (DOST) Sec. Renato Solidum, Jr. sa pinulong ni PBBM sa kabila ng kanyang busy schedule sa pagtanggap ng mga foreign dignitaries.

Ipinagdiinan ni PBBM ang kahalagahan ng preparasyon at tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lokalidad, gayun din ng mga rescuers ng local government units (LGUs) at mga tropa ng gobyerno.

Nais ng Pangulo na nalalaman niya ang lahat ng kaganapan sa mga lugar na maaaring tamaan ng kalamidad bago pa dumating ito.

Gusto rin ni PBBM malaman ang mga pangyayari habang nananalasa ang bagyo at pinsala na iniwan nito.

The President apparently intends to remain on top of the situation. Gusto niya lagi sa ibabaw at nakatutok sa buong aksyon.

Mariing ipinaalala niya na dapat mag-ingat nang husto ang mga rescuers at nang di na maulit ang trahedya na ikinasawi ng limang rescuers na nalunod sa San Miguel, Bulacan noong kasagsagan ng super typhoon Karding.

Tiniyak ni PBBM na todo-suporta siya sa disaster and calamity team at ibibigay niya ang lahat ng kinakailangang logistics sa pakikipag-tulungan sa LGUs at government-accredited volunteer groups.

Puspusan ang paghahanda ng mga kinauukulan at malinaw na hindi kinakailangang sumugod pa sa lugar ng kalamidad si PBBM gaya ng gusto ng kanyang mga kritiko.

Bilang DSWD Secretary, inatasan ko ang lahat ng aming regional field offices na makipag-tulungan nang maasyos sa LGUs sa paghahatid ng mga family food packs (FFPs) at iba pang mga essential relief items sa mga apektadong residente.

Inatasan ni PBBM si Sec. Faustino sa pag-mobilize sa military troops para sa pre-emptive evacuation ng mga residente na peliogrong tamaan ng pagbabaha at landslide.

Ayon sa PAGASA may posibilidad na humina si Maymay bago makarating sa pampang ng Baler.

Ngunit kung sa halip si Maymay ay lalung lumakas, tayo ay nakahanda nang makipag-dukdukan sa bagyong ito.

AUTHOR PROFILE