Sabong at POGO kailangan ng gobyerno

March 23, 2022 Erwin Tulfo 146 views

TulfoSUMASAKIT daw ang ulo ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan huhugutin ang dagdag na P300 buwanang “ayuda” ng pamahalaan sa mga mahihirap na pamilya.

Ipinag-utos kasi ni Pangulong Duterte sa DSWD na taasan na ang ayuda mula sa P200 kada buwan at gawin itong P500 dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng bilihin bunga ng walang humpay na pag-angat ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao nakipag-ugnayan na sila sa Department of Finance para sa karagdagang ayuda at inaantay na lang nila ang sagot ng nasabing tanggapan.

Pero ayon sa aking impormante sa loob ng Malacanang, malamang na wala ring maibibigay na karagdagang pondo ang DOF sa DSWD dahil said na said ang kaban ng bayan dahil sa gastusin nitong pandemya.

Ito raw ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ipatigil ni Pangulong Duterte ang online sabong sa kabila ng kahilingan ng Senado habang iniimbestigahan ang pagkawala na higit 30 na mga sabungero sa ilang sabungan.

Sa pagdinig sa Senado kamakailan, inamin ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman Andrea Domingo na kumikita ng bilyon-bilyong piso ang gobyerno mula sa online sabong.

Inamin din ng Pangulo na ang kita mula sa online sabong ang ginamit ng gobyerno pantustos sa mga pangangailangan ng pamahalaan nitong kasagsagan ng pandemya.

Dagdag pa ng aking impormante sa loob ng Palasyo, ang online sabong na ang pinakamalaking magremit ng buwis buwan-buwan sa gobyerno at nalagpasan na ang mga online casino sa ilalim ng Philipppine Offshore Gaming Operation o POGO ng PAGCOR.

Bago pa kasi sumikat ang online sabong, ang mga online casino ang namamayagpag sa bansa na pinapatakbo ng mga Chinese nationals kung kaya’t nagkalat sila sa Metro Manila bago magpandemya.

Pero sa kabila ng malaking naitutulong ng online sabong at online casino sa kaban ng bayan, may ilang grupo at pulitiko na tila mga santo na ayaw daw sa sugal dahil masama ito.

Ang problema kasi kapag pinatigil ang mga legal na sugal tulad ng online sabong at online casino, bukod sa mawawalan ng kita ang naghihikahos nating bayan dahil sa pandemya, gagawing iligal na ang operasyon nito ng mga operator at sila na lang ang makikinabang at hindi ang pamahalaan.

Masaklap mang isipin dahil masama ang anumang uri ng sugal pero kung naghihikahos naman talaga ang bayan at kailangan natin ng pera, bakit ipapatigil ito gayong naghahatid ito ng kita sa gobyerno?

Napapansin ng ilan nating mga kababayan na napapag-usapan lang daw ang mga ligal na sugalan lalo na yung aprubado ng PAGCOR kapag mag-eeleksyon. Nariyan ang mga pulitiko na kesyo kontra daw sa e-sabong o POGO dahil nakakasira daw sa pamilyang Pilipino.

Pero ang problema kapag tinanong mo na ang mga pulitikong ito kung may alternatibo sila paraan kung saan kukuha ng pondo ang gobyerno sakaling ipasara nga ang mga legit na sugalan…tameme o wala naman silang masagot.

Ang nakakabwisit pa, hindi na nga sila nakakatulong sa paghahanap ng pondo para bayan, sila pa ang malakas humingi ng pondo sa gobyerno kapag nahalal na sila sa pwesto.

Bwiseeet!!

AUTHOR PROFILE