Sabihin na sino ang mga ilalagay sa Gabinete

January 23, 2022 Vic Reyes 182 views

Vic ReyesMAHIGIT tatlong buwan na lang ay eleksyon na sa bansa.

Kaya kailangang timbangin nating mabuti ang kakayahang mamuno ng mga kandidato.

Lalo na ang mga tumaktakbo sa pagka-pangulo ng bansa.

Sa tingin ng maraming botante, panahon na rin para ilahad ng mga pangunahing presidential candidate ang mga napupusuan nilang ilagay sa kanilang mga gabinete.

Hindi lang ang mga programa ng kandidato ang dapat ipaalam sa taumbayan.

Karapatan ng mga botanteng malaman kung sinu-sino ang mga ilalagay sa mga mahahalagang departmento.

Kabilang na dito ang Department of Agriculture, Department of Labor and Employment, Department of Health, Department of Finance, Department of the Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources.

Ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang farm workers ay interesadong malaman kung sino ang mamumuno sa DA.

Sila ang bumubuo ng pinakamaraming bilang ng populasyon.

Marapat lamang na ang ilagay sa departamentong ito ay may pusong maka-mahirap at hindi ang isang hindi alam ang hirap sa bukid.

Huwag natin kalimutan na ang Pilipinas ay isang agricultural country na ang pangunahing pinagkakakitaan ng tao ay ang farming at fishing.

Kawawa naman ang mga magsasaka at mangingisda kung ang ilalagay sa DA ay isang negosyante na ang gusto lang ay makinabang sa pawis ng mga nagtatrabaho sa bukid.

Kaya nga mas mainam na ilahad ng mga kandidato sa pagka-presidente kung sinu-sino ang ilalagay sa kani-kanilang gabinete kung sila ang mananalo.

Ganito rin sa sektor ng mga manggagawa.

Gusto nilang malaman kung sino ang mamumuno sa DOLE at sa Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos.

Huwag nating ipagkait sa taumbayan ang mga impormasyong ito, lalo na ang mahigit 60 milyong botante.

Napakahalagang impormasyon ng mga ito na makatutulong sa pagpili ng susunod na pangulo ng bansa.

Mga botante na ang huhusga sa mga kandidatong ayaw maglahad ng mga taong balak nilang ilagay sa gabinete.

Kung wala naman kasing itinatago, walang dahilan para hindi nila isapubliko.

Huwag natin kalimutan na may mga sektor na gustong tumulong sa kandidato pero dapat may kapalit pagkatapos ng eleksyon.

Kaya ingat po tayo sa pagpili ng mga kandidato.

***

Hindi dapat dinadaan sa pananakot ang vaccination program ng gobyerno.

Sa katunayan halos 85 porsiyento na ang gustong magpabakuna dahil sa takot sa COVID-l9.

Lalo na ang paglabas ng highly infectious na Omicron variant.

Bihira na nga ang hindi nagsusuot ng maskara.

Hanggang loob na nga ng bahay ay marami na ang nagsusuot ng maskara.

Ang iba naman, ayaw ng matulog sa iisang kuarto.

Ang hiling lang ng iba, kailangan dalhin na sa bara-barangay ang mga bakuna.

Siguradong dudumugin ‘yan ng taumbayan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong panahalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE